MARIING ipinag-utos ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente sa lupon ng Immigration Officers sa lahat ng paliparan ang ibayong babala tungkol sa pakikipagsabwatan sa ilang sindikato na gumagawa ng pekeng Overseas Employment Contracts (OEC) at iba pang dokumento sa pagpapaalis ng overseas Filipino workers (OFWs).
Ito ay matapos makatanggap ng report ang pinuno ng ahensiya na isa na namang babaeng OFW ang pinigilang umalis ng bansa matapos magpakita ng pekeng OEC ganoon din ang clearance galing sa Philippine Overseas Employment Authority (POEA).
Ang nasabing Pinay ay nakatakdang umalis patungong Dammam, Saudi Arabia sakay ng Philippine Airlines. Agad hinarang ang naturang pasahero ng mga miyembro ng BI-Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) sa NAIA Terminal 1.
Ayon kay Morente, mahirap nang makalusot ngayon ang ganitong klaseng modus dahil sa database ng ahensiya ay puwede nang ma-verify ang authenticity ng dokumento dahil naka-link na mismo sa opisina ng POEA.
Iniulat na noon lang nakaraang Semana Santa, 14 ang napigilang umalis sa airport matapos madiskubre na puro peke ang dala-dalang OEC at POEA clearances ng ilang OFWs.
Sinabi ng Commissioner na hindi basta titigil ang mga sindikato na pagsamantalahan ang kahinaan ng mga kababayan nating Filipino. Magpapatuloy ang ganitong modus hangga’t may nalilinlang sila.
“Walang manloloko kung walang magpapaloko!” dagdag pa ni Commissioner Morente.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap