INAMIN ni Senate President Vicente Tito Sotto III na idinawit noong taon 2014 at 2015 sina dating Pangulong Benigno Noynoy Aquino III at dating Vice President Jejomar Binay sa illegal drugs ng taong kahalintulad ng nagbubulgar ngayon.
Sinabi ni Sotto, napag-alaman sa kanyang staff na may lumapit sa kanyang tanggapan noon na idinadawit ang dating pangulo at pangalawang pangulo sa illegal drugs.
Ayon kay Sotto, inimbestigahan ito ng kanyang tanggapan ngunit hindi nagtugma ang mga bank account na sinasabing account ng pangulo at bise presidente kaya’t hindi nila pinag-aksayahan ng oras dahil walang sapat na batayan para patulan ng senado.
Sa ngayon, may lumalabas na namang isyu na idinadawit ang Pangulong Rodrigo Duterte at si dating SAP Bong Go.
Handa ang tanggapan ni Sotto na imbestigahan ito bago imbestigahan ng senado upang maiwasang magamit ang mataas na kapulungan sa mga maling impormasyon.
Sa naturang presscon hindi maiwasang magkasagutan sina Senador Bam Aquino at Bong Go sa isyu ng black propaganda at nagturuan na kapwa kampo ng kalaban ang nagpapasimula nito.
Sa huli, naawat ni Sotto at nagkasundo ang dalawa na dapat iwasan ng oposisyon at ng administrasyon ang black propaganda.
Naghubad ng pang-itaas si Bong Go para patunayan na wala siyang tattoo sa kanyang likuran tulad ng akusasyon ni Bikoy at lumapit pa kay Senador Bam Aquino.
(CYNTHIA MARTIN)