MAGBABALIK-PBA ang kilalang Bmeg (Magnolia ngayon) import na si Denzel Bowles ngunit hindi sa kanyang dating koponan.
Magsisilbing reinforcement si Bowles sa Rain or Shine para sa paparating na 2019 PBA Commissioner’s Cup.
Kinompirma ito ni head coach Caloy Garcia kahapon.
Inaasahang darating ang 30-anyos na si Bowles sa susunod na linggo dalawang taon matapos ang huling punta sa PBA.
Bagamat sa Bmeg nakilala, magsisilbi sanang import si Bowles ng Talk ‘N Text noong 2017 Commissioner’s Cup ngunit hindi natuloy bunsod ng hindi pagkakaunawaan.
Dating Best Import noong 2012 si Bowles kung kailan ginabayan niya sa kampeonato ang Bmeg matapos ang krusyal na seven-game series kontra sa TNT.
Dalawang beses pa siyang naglaro para sa Purefoods franchise, pinakahuli noong 2016, ngunit hindi na rin nagbunga dahil hindi na niya natapos ang kampanya bunsod ng family matters. Huli siyang naglaro para sa Kanazawa Samuraiz sa Japanese B.League kung saan niya nadala sa fifth place finish ang koponan sa likod ng 21.9 puntos, 11.4 rebounds at 3.1 assists.
Magugunitang si Reggie Johnson sana ang import ng Rain or Shine ngayon bago nauwi kay Bowles.
Noong nakaraang taon ay dinala ni Johnson sa top seed finish ang Elasto Painters ngunit nalaglag sa semi-finals kontra Ginebra.
(JOHN BRYAN ULANDAY)