HINDI pa rin tiyak ni Committee on Energy Chairman Senador Win Gatchalian kung may sabwatan na nagaganap sa sunod-sunod na power plant breakdown na naging sanhi ng brownout sa bansa.
Ayon kay Gatchalian, ayaw niyang direktang husgahan kung may nagaganap ngayon na sabwatan sa isyu ng power supply tulad ng naging sabwatan noon sa kakulangan ng supply ng bigas sa merkado.
Binigyang diin ng Senador na aalamin niya sa pagdinig ng senado ang dahilan ng sunod-sunod na breakdown o pagkasira ng mga planta.
Inamin ni Gatchalian, may hawak na siyang report na nakuha sa Department of Energy ukol sa serye ng maintenance o breakdown ng mga power plant ngunit mas makabubuting maipaliwanag ito sa public hearing.
Naniniwala si Gatchalian sa darating na halalan walang dahilan para magkaroon ng malawakang brownout dahil holiday ang araw na iyon at walang mga kompanya at mga pabrika na gagamit ng kanilang mga koryente kaya’t may sapat aniyang supply ng koryente sa araw ng eleksiyon.
(CYNTHIA MARTTIN)