DALAWAMPU’T ISANG plastic sachet ng shabu ang nakompiska sa isang high profile person deprived of liberty (PDL) sa loob ng kanilang selda sa isinagawang sorpresang greyhound operation sa loob ng Navotas city jail.
Sa report ni Assistant City Jail Warden S/Insp. Henry Laus kay NCJ Warden Supt. Ricky Heart Pergalan, arestado muli ang suspek na si Erwin Esguerra, alyas Boy, 50 anyos, may kasong paglabag sa Section 11 ng RA 9165 matapos makompiskahan ng shabu na nakaipit sa kanyang kaliwang tsinelas.
Bukod sa shabu, nakompiska rin ni JO1 Jhaffy Zesar De Castro na nakapalaman sa kabilang tsinelas ni Esguerra ang isang mobile phone na pinaniniwalaang ginagamit sa kanyang ilegal na transaksiyon ng droga.
Nabatid na ipinag-utos ni Pergalan na isa rin abogado ang sorpresang greyhound operation, dakong 9:00 am kasunod ng ilang ulat ng insidente na may mga ipinapasok na kontrabando sa loob ng city jail sa pamamagitan ng pamingwit.
Nang halughigin ang Selda 14, napansin ng jail guards ang suot na tsinelas ni Esguerra na tila hirap nitong apakan at ihakbang kaya nang siyasatin ay nadiskubre ang nakapalaman na mga kontrabando.
Kaugnay nito, binalaan ni Pergalan ang mga bumibisita na huwag nang tangkain na magpuslit ng kontrabando sa loob ng city jail dahil mahigpit at estrikto ang kanyang ipinapatupad na inspeksiyon.
Samantala, dinala si Esguerra at ang nakompiskang kontrabando sa Philippine Drug Enforcement Agency.
(ROMMEL SALES)