WALANG magtatangkang saklutin ang karderong puno ng kanin hangga’t hindi pa nakararating sa kusina, lalo na kung hindi man lang nakaaakyat pa sa hagdanan.
‘Yan ang kasabihan ng matatanda ukol sa paghahangad ng mga probetsong nakalaan lang doon sa mga taong, sabi nga ‘e ‘malalapit sa kusina.’
Ang tinutukoy po natin ‘e ‘yung paghahangad ng mga politikong malalapit sa Duterte administration na masungkit ang House Speakership para sa 18th Congress.
Huwag na tayong lumayo, unang-una na riyan ang tumatakbong congressman sa isang distrito ng Taguig City na si Alan Peter Cayetano. Siyempre, isa ‘yan sa mga target ni Cayetano.
Nariyan rin ang kamakailan lang ay sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kung magwawagi si Marinduque reelectionist congressman Lord Allan Velasco ay puwedeng mapagpilian bilang House Speaker.
Habang ang tumatakbong si Davao del Norte 2nd District representative Antonio “Tonyboy” Floirendo ay tahasang sinabi na gusto niyang maging House Speaker upang mapagkaisa ang buong Kamara para maging matibay ang suporta kay Pangulong Duterte.
‘Yan ‘yung sinasabi naman na hindi pa nababasag ang itlog, e nabilang na ang sisiw.
Wattafak!
Talagang kung magsalita sila ‘e walang kagatol-gatol at siguradong-sigurado na sila’y magwawagi sa kanilang mga laban.
Kunsabagay, sino ba ang magsasabing malalaglag sa kangkungan ang mga politikong kabilang sa mga sumuporta kay Tatay Digong noong siya’y tumatakbo noong 2016?!
Hindi ba’t may kanya-kanyag puwesto na sila?!
E ngayon pa na House Speakership ang pinag-uusapan. Tiyak na hindi papayag ang administrasyon na hindi kaalyado ng Palasyo ang maukupo.
Parang Makati lang ‘yan ‘e. Maglaban-laban na tayo huwag lang makapasok ang hindi mga kaalyado.
Hay, Filipinas kong mahal!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap