PUMUTOK din ang tunay na rason kung bakit nagkaroon ng ‘artificial’ water crisis nitong nagdaang linggo.
Hindi natin alam kung sino ba ang natsubibo rito. Ang Manila Water ba o ang sambayanang Filipino?!
Pero sa palagay natin, mas natsubibo ang sambayanan rito. Mantakin ninyong sobra-sobrang paghihirap ang naranasan ng mga mamamayang pobre na nga ‘e siya pang napaglalaruan ng mga ‘panginoon ng konglomerasyon.’
Pati tubig na batayang pangangailangan ng isang tao ay pinasok na ng mga gahamang kapitalista.
Kaya may nakapagtataka pa ba kung bakit super sa kapal ng mukha ang liga nina MWSS Admiistrator Rey Velasco?!
Kung sa ibang bansa nangyari ‘yan, baka nagsipag-resign na ang mga opisyal ng MWSS.
E sa Filipinas walang paki ang mga kagaya ni Velasco.
Sila ang mga opisyal ng gobyerno na parang ang gusto lang ay sumuweldo pero ayaw magtrabaho.
Ang tawag nga sa mga ganyan ‘e empleyadong suweldo.
Kaya kapag nagkaroon ng krisis sa tubig, saka pa lang sila mag-iisip kung paano sosolusyonan ang problema o ang krisis.
Hindi sila kasado sa Plan A, Plan B o Plan C kapag nagkakaroon ng aberya.
Ang laki ng mga suweldo ninyo! Pero ayaw magsipag-isip?!
‘Yun pala, ang naisipan ‘e magtayo ng isang ‘dam’ na hindi naman kailangan?!
At nakukuha pang mangatuwiran sa harap ng mga Senador.
Wattafak!
Aba, MWSS admin Rey Velasco Sir, mukhang kailangan na ninyong magbalot-balot at baka isang araw ‘e malunod kayo sa isang basong tubig…
Delikado ‘yan!
Pagkatapos ninyong pahirapan ang mga pobreng mamamayan ngayon naman ay tuwang-tuwa kayo dahil matagal na palang plantsado ‘yang Kaliwa dam na ‘yan?!
Tsk tsk tsk…
E bakit iwas-pusoy naman ang Palasyo?
Bakit nga biglang pinayagan ang Kaliwa Dam na itatayo sa mismong Philippine Fault at Valley Fault System.
Gusto pang palabasin ni Velasco na gawa-gawa lang umano ang mga nasabing isyu.
Kinompirma niya na wala nang makapipigil pa sa pagtatayo ng Kaliwa Dam, tapos na ang bidding sa proyekto at popondohan ito ng official development assistance fund ng China.
Sa katunayan daw, isa ito sa mga ipinunta ng high level delegation ng Palasyo sa China para bigyan ng development report hinggil dito at sa iba pang China-funded projects si vice president Wang.
Ang pinag-uuaspan pala rito ay $800 milyong halaga o o katumbas na P12.2 bilyong halaga ng proyekto.
Anytime daw ay nakahandang ibigay ng MWSS ang P20 milyong ayuda para sa mga katutubong Dumagat na maaapektohan ng proyekto.
‘Yan pala ang tunay na dahilan ng water crisis kamakailan?!
Ganoon ba ‘yun Mr. Rey Velasco?!
E kung walang itinatago sa proyektong ‘yan bakit kailangan tsubibohin ang mga mamamayan?!
Kung talagang makatutulong ang Kaliwa dam bakit hindi ipaliwanang nang maayos sa mamamayan?!
Ano ba ang ‘lihim ng Guadalupe’ sa likod ng Kaliwa Dam?!
Nakalulunod na ‘isang basong tubig’ lang kaya ang nasa likod niyan, Mr. Velasco?!
Ano sa palagay ninyo mga suki?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap