BAGO matapos ang 2019 muling magho-host ang Filipinas ng Southeast Asian Games na tatampukan ng mga atleta mula sa iba’t ibang bansang kasapi sa ASEAN.
Isang mahalagang salik o factor nito ay pagkakaisa at pagkakasundo nang lahat para matiyak ang tagumpay ng bansa sa paghahanda para sa malaking sports event na ito.
Pero iba ang pumuputok na bulungan sa grapevine. Imbes pagkakaisa at pagkakasundo, tila ba nagkakagulo umano ang iba’t ibang kampo?!
Tsk tsk tsk…
Kawawa naman ang mga atleta at higit sa lahat ang reputasyon ng ating bansa.
Nakahihiya mang sabihin pero gusto nating tanungin, totoo bang ‘pitsa’ na naman ang dahilan?!
At hindi barya-baryang pitsa kundi bilyon-bilyong pitsa. Kaya raw inaakusahan ngayon nang walang basehan ang Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC)?!
May mga kampo raw kasi na hindi sanay sa palakad ng PHISGOC sa pamumuno ni dating Senator at dating Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano dahil may pagka-estrikto sa paggamit ng P5 bilyong pondo na nakalaan ngayon sa Philippine Sports Commission (PSC) para sa paghahanda sa SEA Games.
E ano ba ang dapat ipagtaka? Mahigpit talaga ang PHISGOC sa paghawak at paggamit ng pondo dahil kilala si Cayetano bilang graft buster nang siya ang mamuno noon sa Blue Ribbon Committee ng Senado.
Ito ang komite na nag-iimbestiga ng mga anomalya sa paggamit ng pondo ng gobyerno kaya’t hindi puwedeng malusutan si Cayetano pagdating sa pagiging estrikto sa paggamit ng pera ng pamahalaan.
Wala namang problema sa preparasyon para sa SEA Games dahil tuloy-tuloy at six percent ahead of schedule pa nga ang paghahanda para sa mga lugar na pagdarausan ng mga palaro.
Ang problema ang badyet, dahil hanggang ngayon ay hindi pa naipapadala ng Kongreso ang 2019 national budget bill sa Malacañang. Pero hindi naman gaanong nababahala si Cayetano dahil lahat ng ahensiya ng pamahalaan, hanggang sa Office of the President, ay tumutulong sa preparasyon para sa SEA Games.
Kaya hindi tayo dapat kabahan na ang PHISGOC ang nagbabantay sa pondo at nangunguna sa preparasyon para sa SEA Games.
Aprub tayo riyan!
PERO DAPAT PA RIN
KABAHAN SA DALAWANG
BUTCHER ‘este BUTCHES
SABI nga, mahirap talaga kapag mantsado na ang tiwala.
Kaya naman maraming opisyal ang kinakabahan kapag nagtagumpay umano ang plano ng dalawang ‘Butcher’ ‘este Butch na mula sa PSC at Philippine Olympic Committee (POC) ay i-takeover ang PHISGOC tulad ng napapabalita ngayon.
Ang sabi, sa tinutukoy na dalawang Butcher ‘este Butch na sina William “Butch” Ramirez ng PSC at si dating congressman Prospero “Butch” Pichay” ng POC, ay mahirap umanong ipagkatiwala dahil masyado pa silang busy sa pagtatanggol sa kanilang mga sarili sa kinasasangkutang kasong graft sa Office of the Ombudsman at Sandiganbayan.
Hindi rin naman lingid sa lahat na si Pichay nga ay ipinepetisyon ng kanyang kalaban sa politika na ma-disqualify sa pagtakbo ngayong eleksiyon dahil may resolusyon na ang Ombudsman na guilty siya sa kasong grave misconduct dahil sa ilegal na paggamit ng P780 milyong pondo ng Local Water Utilities Administration (LWUA) nang siya ang chairman nito para mabili ang Express Savings Bank noong 2009.
Umakyat na sa Sandiganbayan ang kasong ito ni Pichay. Bukod pa riyan, may isinampa pang dalawang kasong kriminal ang Ombudsman laban kay Pichay matapos ang resulta ng imbestigasyon na nagpapatunay na maanomalya ang paggamit ni Pichay sa pondo ng LWUA noong 2010.
Ayon sa Ombudsman, hindi dapat ginamit ni Pichay ang P1.5 milyong pondo ng LWUA para mag-sponsor ng isang chess tournament na nakapangalan pa sa kanya.
Ang isa pang Butch na si Ramirez ay napatawan naman ng 90 days suspension ng Sandiganbayan noong nakaraang taon dahil sa kasong graft. Nasampahan si Ramirez ng kasong graft dahil sa pagkuha ng serbisyo ng mga security guard na walang approval ng PSC board at walang public bidding.
Kung ang dalawang ‘Butcher’ ‘este Butch ang may kontrol sa PHISGOC at sa pondo nito, makakampante ba ang sambayanang Filipino?
Bukod sa hindi buo ang tiwala sa paggamit ng pera ng PHISGOC, nakahihiya rin na ang nakapronta at humaharap sa private sponsors at maging sa international community ay mga taong may mga kaso sa Ombudsman at Sandiganbayan.
Lalo pa nga’t sinabi ni Cayetano na kailangan makakuha ng dagdag na suporta mula sa private sectors dahil binabaan ng Kongreso mula P7.5 bilyon ay naging P5 bilyon ang pondong nakalaan para sa SEA Games.
Dapat ay may global stature at kagalang-galang tulad ni Cayetano na dating foreign affairs secretary ang haharap sa mga sponsors mula sa international community para makombinsi silang tumulong, at hindi ‘yung may bahid ang integridad.
Ito na ang pagkakataon natin para makabawi sa nakadedesmayang performance natin sa mga nakaraang SEA Games.
Sabi nga ng mga tunay na sportsman, “‘Yan ang hirap e, pati sports gusto pang pagkakakitaan?”
Wattafak!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap