KAMAKAILAN napaslang ng mga awtoridad ang isang big time party drugs supplier sa isang buy bust operations sa isang condominium sa Sta. Cruz, Maynila.
May nakuhang P.3 milyong halaga ng mga ipinagbabawal na gamot gaya ng shabu at ecstacy.
At sa nakuhang mobile phone, sinabing may mga nakarehistrong pangalan ng mga artista at ilang celebrities na sinasbing ‘suki’ ng napaslang na illegal drug supplier.
Pero hanggang ngayon wala pang inilalabas na pangalan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung sino-sino ang mga nasabing celebrities at artista.
Kaya marami ang nagtataka. Bakit kailangang ibinbin ang paglalabas ng pangalan ng mga celebrity?
Bakit kapag pangkaraniwang mamamayan na nasasangkot sa ilegal na droga ay kaydaling iparada sa media at pangalanan?!
Kontodo photo op pa…
Mayroon bang tinitingnan at tinititigan ang kampanya laban sa ilegal na droga ng PDEA at iba pang law enforcement agency ng pamahalaan?!
Kung ayaw ilantad ang pangalan dahil gustong matimbog ang isa pang malaking target, hanggang kailan bago ilantad ng mga awtoridad ang mga pangalan?!
Aba, naunahan pa kayong maglantad ng narco-list ni Pangulong Digong?!
PDEA chief, Sir Aaron Aquino, pangalanan na po ninyo ‘yang mga celebrity na ‘yan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap