SABI nga, kahit anong pilit itago ang baho, aalingasaw pa rin.
Usap-usapan ngayon ang kasong estafa na inirekomenda ng Office of the City Prosecutor ng Makati sa korte laban kay Margaret Ty-Cham, ang anak na tinanggalan ng mana ng kanyang ama, ang bilyonaryong si George Ty.
Nakapagtataka marahil na ang isang gaya ng anak ng bilyonaryo ay masampahan ng kasong estafa. Kahit naman kasi sabihing natanggalan siya ng mana, mas malamang na hindi naman siya gipit sa pera.
Hindi naman lingod sa lahat na ama ni Margaret ang isa sa pinakamayaman sa Filipinas na siyang nagmamay-ari ng Metrobank, Federal Land, PS Bank, AXA Life at iba pang malalaking negosyo.
Pero ang usap-usapan sa business world, matagal nang itinatwa ni Ty ang anak na si Margaret dahil sa sunod-sunod na kuwestiyonableng transaksiyon na pinasok pero sa huli ay kinailangan pa rin siyang isalba ng kanyang ama.
Hanggang dumating ang panahon na napuno ang matandang Ty kaya’t noong 2017, isinapubliko niya mismo sa malalaking pahayagan ang kanyang pagputol ng relasyon kay Margaret at binigyang-diin na walang kinalaman ang George S.K. Ty Family Group of Companies sa mga business dealings ng anak.
Ngayong namayapa na si Ty, tila hindi pa rin matatapos ang kalbaryo ng pamilya kay Margaret.
Ayon sa mga sources na malapit sa pamilyang Ty, hindi na nakapagtataka kung bakit hindi isinama si Margaret at ang ina niyag si Lourdes de Lara at kapatid na si Anthony sa mga listahan ng pamamanahan ni Ty, na nakasaad sa kanyang “last will and testament.”
At ‘yan umano ay dahil sa pinakabagong eskandalo na dala ni Margaret na nakasisira sa magandang pangalan at reputasyon ng yumaong Ty, ayon sa mga malapit sa pamilya.
Kaya nga sa kasong kinakaharap ni Margaret sa Makati Prosecutor’s Office, ang complainants na sina Carlito Pineda at Robert Vincent Jude Jaworski Jr., ay nagpatunay na sila ay naggantso ni Margaret nang halagang P12 milyon.
Ang tanong nga ngayon, makasumpong pa kaya ng katahimikan ang mga naulila ng bilyonaryong si George Ty?!
PAGING MERALCO AT MANILA CITY HALL
SIR report ko lang po mga paupahan ni Ruben Tolonghari na puro jumper ang koryente ng kanyang submeter at barado ang pozo negro. Nagbutas lamang sa gilid ng eskinita patungong kanal para daanan ng dumi ng tao galing sa kobeta. Mabaho ang loob nito, maganda lamang ang labas pero ang loob puro tagpi-tagpi ang sahig at dingding puro panloloko lang ang mga ginagawa sa mga nagungupahan sa No. 1986 Katamanan St., Tondo. Delikado rin ang mga linya ng koryente rito dahil sala-salabat ang pagkakalinya at walang breaker bawat submeter. Sana ma-check ng Meralco at City Hall. Salamat po.
+63995820 – – – –
ATTENTION: CAAP CATICLAN AIRPORT
GOOD pm Sir Jerry, paki-call ang attention ng CAAP sa Caticlan Airport. Kawawa naman ang mga pasahero lalo ang matatanda dahil nakabilad sa init ng araw kapag umaakyat at bumababa sa eroplano. ‘Yun airstair wala rin bubong. Ganyan ba ang world class airport na ginawa ng San Miguel?
+639085622 – – – –
BEER GARDEN SA INTRAMUROS IPINASARA NOON NI MAYOR LIM
SIR Jerry, ituloy po ninyo ang bulabog d’yan sa mga inuman sa gilid ng Intramuros. Anak ko diyan po sa Letran nag-aaral ay nabibisyo uminom diyan. Malakas siguro maglagay sa mga pulis at barangay ‘yan. Dapat ipasara agad ni Mayor Erap ‘yan gaya ng ginawa ni Mayor Lim noon.
+63992626 – – – –
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap