NITONG naakaraang Linggo sa talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte, nabanggit niya ang kanyang pananaw tungkol sa issue ng pagdami ng Chinese nationals sa ating bansa.
Sa isang campaign rally ng PDP-Laban senatoriables sa Biñan, Laguna, tinuran ng Pangulo na, ”The Chinese here, just let them work here. Why? We have 300,000 Filipinos in China. That’s why I cannot just say, leave! What if the 300,000 are suddenly kicked out?!”
Nangyari ito matapos ang panawagan ng Bureau of Immigration na magkaroon ng “head count” sa lahat ng foreigners na nagtatrabaho sa ating bansa partikular sa mga Tsekwa na pinagsususpetsahang pumapasok bilang mga turista at pagkatapos ay tuloy namamasukan sa mga negosyong pagmamay-ari ng kapwa nila Intsik.
Kamakailan lang ay tinalakay rin sa Senate committee on labor, employment and human resources ang dahilan ng pagdami ng bilang ng mainlander Chinese sa Filipinas.
Ito ay nagsimula pa noong nakaraang taon nang talakayin ni Senador Franklin Drilon sa budget hearing ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanyang pagkabahala sa biglang paglobo ng Chinese nationals sa bansa. Isa raw ito sa malaking dahilan kung bakit naagaw ang hanapbuhay ng mga kababayan nating Pinoy?!
Ayon din sa nakalap na datos ng senador, umaabot sa 400,000 banyaga ang nagtatrabaho sa Maynila pa lang. Karamihan sa kanila ay pumapasok sa mga offshore gaming operations at business process outsourcing (BPO) sa Parañaque at Pasay cities.
Nabatid din sa nasabing hearing na nasa 119,000 na ang mga turistang Chinese mula sa mainland China ang nakakuha ng panandaliang trabaho sa bansa.
Ang DOLE ang nag-iisyu ng Alien Employment Permits (AEP) ngunit nagagawa ng ibang foreigner na makakuha ng special working permit (SWP) na iniisyu ng Immigration.
Bagama’t may unang pronouncement ang Pangulo na i-deport ang mga nahuhuling ilegal na tsekwa na nagtatrabaho sa mga online gaming companies, ramdam pa rin na may “reservation” si Pangulong Duterte pagdating sa isyung ito.
Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyong isinasagawa ng mga mambabatas kaugnay ng sandamakmak na panawagan ng ilang kritiko ng administrasyon ukol dito.
Sa palagay natin, dapat din na may managot na ilang personalidad sa BI lalo na ‘yung may mga pakana sa pag-iisyu ng libo-libong SWPs na alam naman ng lahat na pawang kuwestiyonable at lubhang pinagkakitaan.
Agree ka ba rito, Atty. Paminta?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap