ARESTADO ang isang doktor at tennis varsity player kasama ang apat na iba pa sa drug operations ng PDEA sa California Garden Condominium, Bgy. Highway Hills, Mandaluyong City.
Kinilala ni PDEA Director General Aaron Aquino ang naaresto na si Dr. Vanjoe Rufo de Guzman, 44 anyos, Medical Officer IV ng Department of Health (DOH-NCR); Keanu Andrea Flores, 21 anyos, marketing management student at lawn tennis varsity player ng Colegio de San Juan de Letran; Francis Gerald Fajardo, 26, event organizer; Mohammad Abdullah Duga alyas Sherin; Michael Melegrito Tan, 27; Mohammad Arafa Morsy alyas Rafa; at Mark Adrianne Echaus, 22;
Ayon kay Dir. Levi Ortiz ng PDEA-SES, Nobyembre 2018 pa nila isinailalim sa surveillance ang doktor hanggang isagawa ang drug buy-bust operation kahapon nang madaling araw.
Ginawa umanong drug den ang condo unit ng doktor kung saan nahuli ang kanyang mga parokyano at dalawang runner.
Ang nadakip din aniyang doktor ang nagtuturok ng liquid shabu sa kanyang mga customer.
Dagdag ni Ortiz, karamihan umano sa mga kliyente ng doctor ay young professionals at mga estudyante.
Inaresto si De Guzman habang inaabot ang shabu sa poseur buyer ng PDEA.
Nasamsan ng awtoridad at PDEA ang nasa 50 gramo na may P340,000 ang halaga, liquid ecstasy na nasa 200 ml na tinatayang P30,000 at drugs paraphernalia.
May nakuha din umanong cellphone sa condo ng suspek kung saan nakita ang mga larawan at video na matapos magdroga ay nagkakaroon ng sex orgy sa lugar.
Mariing itinanggi ng doktor ang paratang sa kanya at sinabing wala siyang alam sa ibinibintang ng PDEA.
nina EDWIN MORENO/ALMAR DANGUILAN