PATAY ang dalawang nadakip na hired killer nang tambangan ng motorcycle riding-in-tandem gunmen habang lulan ng mobile patrol pagkagaling sa inquest proceedings pabalik sa police station sa Sampaloc, Maynila.
Naganap ang pananambang dakong 4:15 pm, sa kahabaan ng A.H. Lacson Avenue ilang metro mula sa panulukan ng Fajardo St., sa Sampaloc, nang biglang sumulpot ang tatlong riding-in-tandem saka hinarang ang MPD mobile car MC 328.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, binabaybay ng mobile car ang naturang lugar nang mapahinto dahil humarang ang riding-in-tandem.
Kasunod nito, biglang bumaba ang sakay ng nasa unahan na motorsiklo at lumapit sa mobile car kasabay ng dalawa pang riding-in-tandem saka tinutukan at dinisarmahan ang dalawang pulis na sina Po1 Joven Miguel at Po2 Mark de Lima.
Pinadapa ng apat na armadong suspek ang dalawang pulis saka walang habas na pinaputukan ang mobile na ikinamatay ng dalawang lalaki na nauna nang nahuli ng pulisya.
Kinilala ang mga napaslang na sina Apolonio Flores ng Fajardo St., Sampaloc, at Prince Cortez, 22 anyos, negosyante at residente sa Malaya St., Balut, Tondo na sinasabing hired killer/gun for hire na nahuli sa magkasunod na police operations sa Sampaloc at Tondo, Maynila kamakalawa ng hapon.
Nakompiska kina Flores at Cortez ang isang loaded kalibre .45, granda, at mga cellphone na naglalaman ng mga impormasyon kaugnay sa kalakaran ng droga sa Tondo.
Galing sa inquest proceedings ang police mobile lulan ang dalawang naarestong gun-for-hire nang tambangan ng mga suspek.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
(BRIAN BILASANO)