PINURI ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang lokal na pamahalaan ng Mandaluyong sa ipinatupad nitong “100% smoke-free policy” sa lungsod.
Sinabi ni MMDA Chairman Danilo Lim, pinagkakalooban ng pagkilala ng ahensiya ang pagsusumikap ng Mandaluyong sa promosyon nang maayos na kalusugan at mabawasan ang pamamayani ng sakit na may kinalaman sa paninigarilyo.
“Mainit po nating binabati ang lokal na pamahalaan ng Mandaluyong para sa walang patid na pagpapatupad ng kanilang 100% smoke-free policy,” ani Lim.
Ang Ordinance No. 671, na tinatawag na “Comprehensive Smoke-Free Ordinance of the City of Mandaluyong,” ay ipinasa at naaprobahan ng Sangguniang Panlungsod ng Mandaluyong noong 17 Hulyo 2017.
Layunin nitong i-regulate ang paggamit, pagbebenta, pamamahagi at paglalathala ng sigarilyo at iba pang tobacco products sa lungsod.
Ang Smoke-Free Task Force (SFTF) ng Mandaluyong katuwang ang MMDA ay nagmo-monitor ng pagbebenta ng tobacco products sa mga pampublikong establisimiyento, lalo ang malapit sa mga eskuwelahan.
Ang SFTF ay binubuo ng mga pulis, kawani ng lungsod at mga opisyal ng barangay.
Taon 2018, umabot sa 6,283 indibiduwal ang nahuling naninigarilyo sa pampublikong lugar habang 292
may-ari ng tindahan ang nahuling nagbebenta ng sigarilyo malapit sa eskuwelahan, ayon kay Col. Roseller Sta. Maria, hepe ng Mandaluyong City Ordinance Enforcement Division.
Ayon kay Mandaluyong City Mayor Carmelita “Menchie” Abalos, target ng Mandaluyong na masungkit muli ang isa pang Red Orchid Award at umaasa na makamit ang Hall of Fame distinction tulad ng Balanga City, Bataan.
Naniniwala ang MMDA na magtatagumpay ang Mandaluyong na maging model smoke-free lungsod hindi sa lang Kalakhang Maynila kundi sa buong bansa.