APAT na bigtime drug dealer na kumikilos sa Quezon City at karatig lungsod ang naaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District Cubao police station (QCPD-PS7) makaraang makompiskahan ng P6.8 milyong halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Taguig City, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat kay QCPD director, C/Supt. Joselito Esquivel Jr., kinilala ang nadakip na sina Abel Dagadas, 34; Larrylyn Azada, 29; Usay Uting, 49; at Jacqueline Dapitan, 52; pawang residente sa Sampaloc St., Brgy. Central Signal Village, Taguig City.
Ang apat ay nadakip dakong 4:20 pm nitong Miyerkoles sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng anti-drug operatives ng QCPD PS7 na pinamumunuan P/Supt. Giovanni Hycenth Caliao.
Ayon kay Caliao, ang apat ay ikinanta ng dalawang drug pusher na una nilang nadakip sa Brgy. Culiat, Quezon City.
Ikinanta ng dalawa na kinukuha nila ang droga kay Dagadas kaya nadakip sa No. 2 Sampaloc St., Brgy. Central Signal Village, Taguig City, kasama ang tatlong binentahan ng shabu ang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakuha sa mga suspek ang mahigit isang kilong ‘high grade shabu’ na nagkakahalaga ng P6.8 milyon, P10,000 buy bust money, digital weighing scale at iba’t ibang uri ng drug paraphernalia.
(ALMAR DANGUILAN/JAJA GARCIA)