Friday , November 15 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

‘Karagatan’ ginagamit ngayon bilang bagsakan ng droga

KUNG ikaw ay isang mangingisda na kapos na kapos ang kinikita, hindi mo ba papatulan ang ‘alok’ na sambutin ang 10 bulto ng cocaine sa karagatan, isuko ang dalawa sa pulisya at itago ang walo para tubusin ng sindikato?!

Haka-haka lang muna ‘yan pero puwedeng magkatotoo, hindi ba?!

Mula nitong 10 Pebrero hanggang 18 Pebrero, inabala ang karagatan sa southern Luzon nang sunod-sunod na paglutang ng mga bulto-bultong  pakete ng ilegal na droga o cocaine.

Noong una ay pabulto-bultong isang kilong cocaine o mahigit pa na nasasambot ng mga mangingisda hanggang maging bulto na ang halaga ay halos umabot na sa P.5 bilyon.

Una ang P5.4-M cocaine na lumutang sa karagatan ng Camarines Norte.

Sumunod sa Dinagat Islands, Surigao del Norte, Camarines Norte, at Quezon – mula 12 Pebrero hanggang 18 Pebrero ‘yan.

Ang unang batch ng cocaine ay nadiskubre noong 12 Pebrero, nang masabat ng mangingisdang si Gonie Curada ang isang palutang-lutang na kahon sa Sitio Habongan, Barangay Poblacion, Cagdianao, Dinagat Island.

Nang bulatlatin ng mga awtoridad nabuyangyang ang 48 duct-taped bricks, na mayroong puting sangkap. Isinailalim ito sa pagsusuri at nakompirmang cocaine. Sa kabuuan tumimbang ito ng 48.2 kg na tinatayang P250 milyones ang halaga.

Noong 14 Pebrero, nakarekober ang pulisya ng 27 blocks ng cocaine kagaya ng nasambot sa Dinagat Island, sa dalampasigan ng Barangay Pacifico sa San Isidro town, Surigao del Norte.

Nang sumunod na araw, 15 Pebrero, naglunsad ng sea patrol ang mga pulis at natuklasan ang 13 bricks.

Umabot sa isang kilo ang nasabat, habang ang kabuuang kontrabando ay tinaya sa P212 milyones.

Noong 16 Pebrero, isa pang brick ng cocaine ang lumutang at may nakasulat na “Lexus” sa Barangay Bagumbayan, Paracale, Camarines Norte.

Nagsagawa ng chemical test ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at nakom­pirmang cocaine ang 40 blocks.

Sa Dinagat Islands, 37 blocks ng hinihinalang cocaine ang nakuha sa dalampasigan nitong Biyernes.

Kaya umaabot na lahat sa P.5 bilyones ang halaga ng 77 blocks na nakuha sa Siargao at Dinagat Islands.

Ganyan po karami ang bulto-bultong cocaine na nakuha sa karagatan at dalampasigan ng mga lalawigan sa southern Luzon.

Ang opisyal na pahayag ng PNP, ginagamit raw na transhipment ng sindikato ang Filipinas kaya mayroong mga lumulutang na cocaine sa ating karagatan.

‘Transhipment’ lang daw.

May nagsabi pa, baka nilalansi lang daw ng sindikato ang iba’t ibang yunit ng law enforcers ng ating bansa kaya nagpapalutang ng cocaine sa dagat tapos mayroon palang papasok na malaking shipment ng shabu.

Ang ibig sabihin ba nito hindi nagko-cocaine ang mga adik na Pinoy at mas ‘mabili’ sa kanila ang shabu? Kaya okey lang magpalutang-lutang sa karagatan ang bulto-bultong cocaine?!

At komo transhipment ‘lang’ okey lang magpakaang-kaang ang intelligence force ng Philippine Coast Guard, Philippine Navy at PNP Maritime Group?!

Ibig sabihin rin ba na kung ‘transhipment lang’ hahayaan na lang na magpalutang-lutang sa karagatan natin at hahayaang sambutin ng mga mangingisda?

Okey lang din ba na may makalusot at maka-penetrate sa ‘merkado’ o network ng sindikato ng ilegal na droga sa bansa?!

At kung talagang ‘transhipment’ lang, bakit pinapayagan? Kanino nakatimbre? Wala bang plano ang maraming law enforcement units/groups na sudsurin ‘yang walang tigil na paglutang sa karagatan ng ilegal na droga?!

PNP chief, Director General Oscar Albayalde, PDEA chief, Director Aaron Aquino, mga sir, uulitin lang po, hindi po press conferences ang lulutas sa talamak na kalakalan ng droga sa bansa.

‘Yun lang po!

NYC CHIEF
‘SIBAKIN’

CONSTITUTIONAL ignoramus daw si National Youth Commission (NYC) chairman Ronald Cardema nang magmungkahi siya na tanggalan ng scholarship ang mga estudyanteng lumalahok sa kilos protesta.

Hayan nasermonan tuloy siya ni Senator Farncis ‘Chiz’ Escudero at sinabing ‘uncon­stitu­tional’ ang kanyang proposal.

Yucks ano ba ‘yan?!

Nagkataong chairman ng NYC tapos gustong tanggalan ng boses ang mga kabataan?!

Sabi ni Senator Chiz, kasalukuyang chair­person ng Senate education committee, nilalabag ng mungkahi ni Cardema ang 1987 Constitution at ang mga karapatan na ginagarantiyahan nito. Kabilang rito ang right to free speech, right to peaceful assembly, and right to due process and equal protection of the laws.

“The government is the government of those who agree with it and disagree with it… and the President is the President of those who voted for him and did not vote for him,” pahayag ni Senator Chiz.

Patuloy ni Senator Chiz sa kanyang sermon kay Cardema, “Both the President and the government should serve every Filipino without distinction and regardless of political beliefs. Dissent in a democracy should never be frowned upon, much less penalized in any way.”

Itong si Cardema, masasabi nating isa sa mga opisyal ng Duterte administration na ‘nagha­hanap’ ng mga taong magagalit kay Pangulong Digong.

Imbes makatulong laban sa mga silip nang silip para mabutasan ang Pangulo, e siya pang nagiging ‘mitsa’ para mahanapan ng butas at mabanatan si Digong.

E kung sumasahod lang nang malaki tapos hindi naman nakatutulong sa programa ng gobyerno, ano pang dapat gawin sa mga kagaya ni Cardema?

E ‘di sibakin!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *