PALILIPASIN lang ba ng Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies ang election season na nagbibilang kung ilan ang pinapaslang araw-araw sa pamamagitan ng baril, gayong panahon ngayon ng gun ban?!
Araw-araw lang bang mag-aabang ng ulat ang mga boss tsip ng pulisya sa kanilang area of responsibility (AOR) kung ilan ang itinumba sa bawat araw?!
O makikiindak lang sila sa chanting na, “Hey hey hey ‘PNP/Comelec gun ban’ how many people did you kill today?”
Yes, PNP chief, Director General Oscar Albayalde, mukhang bago ka magretiro ay pasasaltohin ka ng walang habas na patayan at ambush sa pamamagitan ng baril kahit dapat ay may gun ban ngayon.
Marami tuloy ang nagtatanong, at paulit-ulit nating itinatanong, may gun ban ba talaga ngayong election season?!
May nakikita tayong mga PNP/Comelec checkpoint pero nagtataka tayo kung bakit tila walang takot ang hired-killers sa walang habas na pananambang.
At sa rami ng tinambangan mula nang magsimula ang election season, wala rin tayong nababalitaan na nalulutas at kung mayroon man ay kaduda-duda ang mga nahuhuling suspek.
Ipinagtataka natin kung bakit walang kakayahan ang PNP na mai-locate ang mga hired killers o gun for hire gayong kung tutuusin ay mayroong intelligence component ang PNP.
Sabi nga kapag gusto may paraan, kapag ayaw mayroong dahilan.
Hindi tayo naniniwalang mahina ang intelligence force ng PNP. Ang masama, kung ang mga nakukuha nilang intelligence report ay ginagamit ng iilan para sa sariling kapakanan o kaya naman ay pinagkikitaan.
Kahit na buong taon na magkaroon ng gun ban pero hindi man lang nakahuhuli ng hired killers o gun-for-hire ang mga kagawad ng pulisya hindi magbabago ang nagaganap na patayan o pamamaslang.
DG Albayalde and Director Eleazar, mga Sir, alam naman ninyong hindi lang press conferences ang solusyon para malutas ang talamak na pamamaslang. Lalong hindi rin ‘deterrent’ ‘yang press conferences para matakot ang mga ‘notoryus’ na gun for hire, hindi ba?
Kailan po ba ninyo pakikilusin ang puwersa ng intelligence group sa lahat ng yunit ng PNP, sa tunay na esensiya nito, kapag pati ‘police stations’ sa Metro Manila at iba pang urban areas ay kaya nang pasukin ng mga hired killers?
O hahayaan n’yo na lang isipin ng mga mamamayan na kaya hindi umano nahuhuli ang mga gun for hire ay dahil sa PNP headquarters sila nagkakanlong?!
Pakipaliwanag na nga po, Mr. Generals?!
MARUMING
KAPALIGIRAN
SA KAMPANYANG
HALALAN
MASYADONG ‘marumi’ ang kapaligiran kapag election season.
‘Yan ay dahil kung saan-saan nagsabit ang mga tarpaulin na makikita kahit saang lugar.
Mga pagkalalaking pangalan at mukha ng kandidato ang makikita sa tarpaulin.
Tayo naman ay nakapunta at nakapag-observe din ng eleksiyon sa ibang bansa pero hindi naman ganyan karumi.
Ang mga kandidato ay namimigay ng mga polyeto na naroon ang kanilang mga plataporma kung sakaling sila ay mahahalal.
‘Yun lang.
Hindi gaya rito sa atin na puro tarpaulin na puno ng mukha at pangalan lang nila. Kadalasan pang ginagamit na retrato e nilinis at pinaganda sa pamamagitan ng Adobe photoshop, hak hak hak!
Pagandahan lang ba ng mukha sa tarpaulin ang labanan?!
Tsk tsk tsk…
At pagkatapos ng eleksiyon, kanya-kanyang takas na sila sa paglilinis ng kanilang mga kalat.
Hay naku, marumi talaga ang eleksiyon sa Filipinas.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap