KUNG matindi ang paghihigpit at pagsubaybay ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga negosyanteng Pinoy lalo sa hanay ng small businessmen mas dapat na maging mahigpit sila sa offshore/online gaming na ang operator ay mga dayuhan or specifically Chinese nationals.
Panahon na para pagtuunan ng pansin ng BIR ang mga ‘negosyong’ ito dahil mukhang masyado na silang ‘nalilibre’ at komportable sa pagtakas sa kanilang obligasyon sa pamahalaang Filipino.
Hindi kakarampot ang kinikita ng mga online gaming lalo na ‘yung tinatawag na ‘junket’ operations dahil hindi barya-baryang peso at Hong Kong dollar bills ang nilalaro nila riyan kundi milyon-milyon.
At kung nananalo naman sila, hindi rin barya-barya ang panalo nila. Ibig sabihin, ang offshore/online gaming and ‘junket’ operation ay kumikita nang limpak na limpak na dolyares.
Ibig sabihin, ngayon ang tamang panahon para ideklara ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa BIR kung ano-anong offshore/online gaming and junket ang binigyan nila ng lisensiya para mag-operate.
Isa tayo sa mga sumasang-ayon na dapat magpakita ng proof of tax registration and payment sa pagkuha ng bagong lisensiya ang offshore gaming operators na ang malaking bilang ng empleyado ay Chinese workers.
How about, the Chinese workers? Hindi ba dapat ay may pananagutan din sila sa BIR?!
Kaya sa nalalapit na pagre-renew ng kanilang lisensiya bilang Philippine-based offshore gaming operators (POGOs) dapat na rin silang kumuha ng registration mula sa BIR.
Aprub tayo riyan at ganoon din sa mga Chinese workers.
Diyan masusukat kung lahat nga ng Chinese nationals na nasa bansa ay walang nilalabag na batas sa komersiyo.
Attention, Labor department and Immigration bureau!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap