TIYAK na daraan sa butas ng karayom ang 11 senatorial candidates na binasbasan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte para maging senador at manalo sa darating na May 13 midterm elections.
Hindi nangangahulugang segurado ang panalo ng 11 kandidatong senador na pinili ni Digong dahil sa ‘mabigat’ din ang mga kandidatong kanilang makababangga na hindi nawawala sa Magic 12 ng mga survey ng SWS at Pulse Asia.
Sa 11 binasbasan ni Digong, mahirap makalusot ang dalawang kandidato na sina Freddie Aguilar at Dong Mangudadatu. Tahasang masasabing segurado na ang pagkatalo ng dalawang kandidato sa nakatakdang halalan.
Tanging sina Cynthia Villar, Imee Marcos, JV Ejercito, Sonny Angara, Jinggoy Estrada, Pia Cayetano, Bato dela Rosa, Bong Go at Francis Tolentino, ang mga nakalalamang o maaaring makalusot sa halalan.
Kung siyam ang liyamadong kandidato ni Digong, paano naman ang anim na mga senatoriables tulad nina Grace Poe, Nancy Binay, Lito Lapid, Koko Pimentel, Mar Roxas at Bong Revilla? Nangangahulugan bang walang pag-asang manalo ang mga nasabing kandidato dahil hindi sila binasbasan ni Digong? Mukhang malabo yata ‘yan!
Kung susuriing mabuti, sina Poe, Binay, Lapid, Pimentel, Roxas at Revilla ay hindi maaaring basta-basta maetsapuwera sa senatorial race dahil mayroon silang suporta ng ‘masa’ bukod pa sa kanilang malawak na makinarya at organisasyon.
Kaya nga, lumalabas na 15 senatorial candidates pa rin ang maglalaban-laban sa darating na halalan. Hindi makokopo ng mga kandidato ni Digong ang senatorial race at magiging mahirap sa kasalukuyang administrasyon na maipanalo ang lahat ng kanilang mga kandidato.
Kung tutuusin, maaaring sabihing tiyak na ang panalo ng mga reelectionist senators tulad nina Grace, Villar, Binay, Angara at Pimentel. Kaya, 10 kandidato na lamang ang mahigpit na magbabakbakan tulad nina Ejercito, Estrada, Cayetano, Dela Rosa, Go, Tolentino, Lapid, Roxas, Revilla at Imee.
Nangangahulugan, pitong kandidato ang kailangang lumusot mula sa 10 mahigpit na maglalaban-laban para makabuo ng tinatawag na Magic 12 na siya namang magiging bagong mga kinatawan o miyembro ng Senado sa pagbubukas ng 18th Congress.
Walang dapat ipangamba ang senatoriables dahil halos tatlong buwan pa naman ang nakalaang panahon para sa kanilang gagawing pangangampanya. Sipag at tiyaga, ‘ika nga, para maabot at makuha ang boto ng mga kababayan natin lalo na ‘yung mga nasa lalawigan.
At sa mga kandidataong binasbasan ni Digong, kailangan lalong doble-kayod, huwag maging kampante, dahil hindi nakatitiyak ng panalo hangga’t hindi natatapos ang bilangan ng boto.
SIPAT
ni Mat Vicencio