DEAD on arrival sa pagamutan ang isang kapitan ng barangay habang sugatan ang 16-anyos na estudyante na tinamaan ng ligaw na bala makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem gunman sa Tondo, Maynila.
Hindi na umabot nang buhay sa Ospital ng Tondo ang kapitan ng Barangay 199 na si Marcelino Ortega, 41 anyos, residente sa Pilar St., Manuguit, Tondo bunsod ng tama ng bala mula sa dalawang hindi pa tukoy na gunman na lulan ng isang motorsiklo.
Kasalukuyang ginagamot sa nasabing pagamutan ang biktima ng ligaw na bala na sinabing isang Andrea Nicole, 16-anyos estudyante, at residente sa Punturin, Valenzuela City.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang pamamaril dakong 2:58 pm sa panulukan ng Hermosa at Pilar streets sa tapat mismo ng Barangay Hall 199 Zone 18 kung saan nanunungkulan ang napaslang na punongbayan.
Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya kaugnay sa pamamaril ng riding-in-tandem sa naturang lugar na ikinasawi ng opisyal ng barangay.
Napag-alaman, ang nasasakupan ng nasabing barangay ay talamak pa rin sa bentahan ng ilegal na droga.
Inaalam ng pulisya kung ano ang motibo ng pamamaril at tinitingnan rin umano ang posibilidad kung may kinalaman ang pamamaril sa kalakaran ng droga sa naturang barangay.
(BRIAN BILASANO)