IMBES makigulo at makipagsabayan sa mga kapwa niya kandidato para pagka-Senador sa unang araw ng opisyal na pagsisimula ng pangangampanya, mas piniling makapiling ni Senadora Grace Poe ang mga mag-aaral ng elementarya sa Barangay Payatas, Quezon City kahapon ng umaga.
Bagamat lagi siyang nangunguna sa mga survey na inilabas noon pa mang nakaraang taon, naniniwala ang mababang loob na senadora na mas mainam pa rin unahin ang kapakanan ng mga kabataan kaysa ang pansarili niyang kalagayan.
Nanindigan si Poe na sadyang tama at may katotohanan ang sinabi noon ng ating bayaning si Gat. Jose Rizal na ang mga kabataan ang pag-asa ng bayan.
“Kung ating paiiralin ang pansarili lamang mga adyenda, mahihirapan nating makamit ang tunay na tagumpay at kaunlaran ng bayan. Unahin muna natin ang kapakanan ng mga kabataan dahil sila ang mga bagong henerasyon na magpapatuloy ng ating nasimulan,” pahayag ni Poe habang kasama ang mga mag-aaral ng Barangay Payatas, isang komunidad na laganap ang kahirapan.
Tanging si Poe lamang ang kandidato sa pitong reeleksiyonistang Senador na hindi kabilang sa anomang partidong politikal.
Kaya umaasa ang Senadora na ang kanyang matapat na paglilingkod sa publiko ang magdadala sa kanya sa tagumpay para sa ikalawang termino sa Senado.
Kagaya na lamang ng mga survey na inilabas ng Social Weather Stations, Pulse Asia at ng higanteng RMN radio station, si Poe ang lumitaw na pinakapinagkakatiwalaan ng taong bayan kung kaya siya ang consistent na topnotcher sa mga nasabing survey.
“Marahil ang katapatan sa paglilingkod sa bayan ang pinakamahalagang bagay na nakita ng ating mga kababayan kung kaya muli nila akong pinagkatiwalaan sa pagkakataong ito. Kaya lubos naman ang ating pasasalamat sa kanila,” sabi ni Poe.
Sa pangalawang araw ng 90 araw na pangangampanya, pinili ni Poe na simulan ang kanyang pangangampanya sa Tondo, isang pook sa Maynila na simbolo ng kahirapan at pakikipagsapalaran ng mga mahihirap na makamit ang kaunlaran.
Ito rin ang pook na paboritong gamitin sa paglikha ng pelikula ng kanyang pumanaw na ama na si Fernando Poe, Jr., ang Hari ng Pinilakang Tabing ng Filipinas.
Kaya hindi maiwasang mabalikan ni Poe ang mga tagpo nang isinasama siya sa paggawa ng pelikula ng kanyang ama sa Tondo noong bata pa siya.
“Hindi maiaalis sa puso ko ang mga eksenang kasama namin ang masang Filipino kahit noong paslit pa ako. Tumimo na sa isip ko na sila ang mga tunay na masa, sila ang mga tunay na Filipino na nagsisikap para makamit ang kaunlaran ng buhay,” pagbabalik gunita ng Senadora.