PATAY ang isang 4-anyos totoy nang hindi makalabas sa nasusunog nilang tahanan sa North Fairview, Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Ang biktima ay kinilalang si Elixer Jumalon, nakatira sa No. 24 Boulevard St., Brgy. North Fairview, Quezon City.
Sa imbestigasyon ng Quezon City Bureau of Fire Protection, ang sunog ay sumiklab dakong 9:39 pm na nagtagal nang mahigit isang oras bago naapula.
Ayon sa report, hindi na nakalabas ng bahay ang bata dahil tulog na tulog ang biktima.
Tinangka ng kuya ng biktima na iligtas ang kapatid pero nabigo ito dahil malaki na ang sunog.
Nasa Laguna ang ina ng bata habang ang kanyang ama ay nasa trabaho pa nang maganap ang sunog.
Sa imbestigayon ni Fire Officer Joseph Delmundo, lumilitaw na mula sa natumba at napabayaang kandila ang sanhi ng sunog dahil walang koryente ang bahay.
Bukod sa tahanan ng pamilya ng biktima ay 11-bahay pa na may 30 pamilya ang nawalan ng tahanan.
ni ALMAR DANGUILAN