NALUNGKOT tayo sa kinahinatnan ng party-list system sa ilalim ng ating voting system
Ang alam nating layunin ng pagkakaroon ng party-list system ay upang tapatan ang mga political dynasty sa bansa at nang sa gayon ay magkaroon ng tunay na kinatawan ng marginalized sectors sa Kongreso.
Sa unang arangkada, bagama’t marami rin ang kuwestiyonable, mas malaki ang bilang ng party-list representatives na tunay na kinatawan ng marginalized sectors ang nakapasok sa Kamara.
Kahit paano, narinig ang boses ng maliliit na mamamayan sa Kongreso.
Pero habang lumalaon, nag-iba na ang mukha ng party-list representatives.
Hindi na totoong marginalized sectors ang kinakatawan nila kundi interes na ng mga negosyanteng over-protective sa kanilang negosyo at angkan na rin ng mga ‘trapo’ (traditional politician) ang bumuo ng kanilang party-list at ginawang nominee ang lolo, tatay, nanay, kuya, uncle, auntie, ate, bunso at iba pang miyembro ng angkan. Buti na lang hindi puwede ang ‘pet.’
May party-list representative na presidente ng malalaking kompanya. Mayroon namang party-list rep na dati ay walang-wala pero ngayon ay paldong-paldo na.
Kaya isa tayo sa nag-aabang kung sino ang senador na magpapanukala na buwagin na ang party-list system.
Hindi lang natin alam kung maaaprobahan sa kongreso ‘yan na matagal nang kontrolado ng mga komprador burgesya.
Aba, e kung isa na ‘yang balon na nakapagsasalok ng pitsa at kapangyarihan ang mga politiko, bubuwagin pa ba nila ‘yan?!
Kaya kung umaasa tayo na ang party-list system ay tunay na maglilingkod sa interes ng marginalized sector gaya ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, estudyante, kababaihan, vendors, security guards, sales ladies, service crew at iba pang opisyo na kinasasadlakan ng maliliit nating kababayan, e nagkakamali po tayong lahat.
Ang party-list system ay isang ‘braso’ na luklukan at ekstensiyon ng kapangyarihan ng mga trapo.
Kung tayo ang tatanungin, mas dapat na buwagin at lusawin na ang party-list system dahil hindi na ito naglilingkod sa tunay na layunin ng pagkakabuo nito.
Kaya sa darating na eleksiyon, maging matalino po tayo sa pagpili ng natitirang party-list na tunay na naglilingkod sa maliliit nating kababayan.
Habang hindi pa nabubuwag ‘yang party-list system, huwag nating hayaang masalaula ang ating pagboto.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap