PATOK ang tambalang Kylie Padilla at Ruru Madrid sa pinagsamahan nilang “Encantandia” noong 2016 at ngayong 2019 ay muling pinagtambal ng GMA News and Public Affairs ang dalawa sa pagbibidahang political rom-com series na “TODA One I Love” na inyong mapapanood simula ngayong gabi pagkatapos ng “Onanay” sa GMA Telebabad.
Bukod sa nakakikilig na mga eksena ay asahan din ang katatawanan na hatid ng buong cast sa serye at family values na matututuhan ng televiewers. At para mas maging makatotohan ang pagganap ni Kylie sa comeback teleserye nilang ito ni Ruru na pareho silang gumaganap na tricycle driver ay nag-aral magpatakbo ng motorsiklo ang Kapuso actress na aminadong sanay sa paggawa ng action scenes at drama pero itong comedy ay bago sa kanya. Mabuti na lang daw at very supportive sa kanya ang mga co-star at director nila na si Direk Jefrey Hidalgo.
Gelay pala ang name ng character ni Kylie sa TODA, One I Love. Gagampanan naman ni Ruru na madalas may pa-abs sa manonood ang role ni Raymond
“Emong” Magsino, anak siya ng kasalukuyang namumuno sa Tricycle Operators and Drivers Association o TODA.
Gusto ni Emong na mapabuti ang buhay ng kanyang pamilya kaya nag-abroad siya para magtrabaho bilang isang mekaniko, kaya pansamantala silang nagkahiwalay ng kaibigang si Gelay. Bumalik siya agad nang mawalan ng trabaho sa abroad at nakita niya kung gaano na kaganda, matapang, at palaban si Gelay. Na-in love siya, pero may kakompentensiya sa abs ni David, papayag ba ang binata na hindi ilaban ang pag-ibig niya kay Gelay?
Makikita rin ng manonood sa programa ang hitsura ng mga nagaganap na politika sa bansa na isinilalarawan sa comedy at romance. Parte ng cast ng TODA One I Love sina Gladys Reyes, Victor Neri, Jackie Rice, Kim Domingo, Tina Paner, Buboy Villar, Maureen Larrazabal, Raymond Bagatsing atbp.
Si Ruru ang kumanta ng theme song ng teleserye nila ni Kylie na may titulong “Sana Sa Huli” at napahanga ang entertainment press at bloggers sa ganda ng boses ng young hunky actor nang kantahin niya ito sa kanilang recent mediacon.
VONGGANG CHIKA!
ni Peter Ledesma