ITINUTURING ng Quezon City Police District (QCPD) na lutas na ang kaso ng pamamaslang kay Brgy. Bagong Silangan chairwoman, Crisell Beltran at sa driver niyang si Melchor Salita makaraang maaresto ang apat na suspek sa follow-up operation sa lungsod.
Sa ulat ni QCPD Director, Chief Supt Joselito Esquivel, nadakip na sina Teofilo Formanes, 48 anyos, market inspector sa Commonwealth Market; at magkakapatid na sina Ruel Juab, 38, delivery boy; Orlando Juab, 32; at Joppy Juab, 28, kapwa vendor.
Si Formanes ang naunang nadakip nitong 1 Pebrero 2019 sa Commonwealth Market ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa ilalim ni Chief Insp. Elmer Monsalve.
Positibong kinilala ng ilang saksi sa krimen si Formanes.
Nakuha kay Formanes ang isang 9mm kalibre at tinangka pang bumunot ng baril pero agad siyang dinamba ng mga operatiba.
Itinuro ni Formanes ang magkakapatid na Juab. Sila ay naaresto sa No. 38 Steve St., Brgy. Commonwealth.
Nakuha sa magkakapatid ang isang shooters caliber 9MM, isang kalibre .38 paltik, isang Magnum caliber .22 revolver at apat cellular phones.
Nang arestohin ang magkakapatid, dinakip din sina Miguel Juab, 26, Mangmang Rasia, 26, at Boy Fernandez, 52, dahil sa pagharang sa mga operatiba para dakipin ang apat.
Kakasuhan sila ng obstruction of justice.
Ikinanta ni Formanes na isang Cosette Capistrano, 50, namamasukan sa administration office ng Commonwealth Market, ang nagtago sa baril ng isa pang suspek na si Warren Juab, pinsan ni Capistrano.
Dinampot si Capistrano at sinamahan ang mga pulis sa kinaroroonan ni Warren sa Unit 312 LRB Building 7, Republic Ave., Brgy. Holy Spirit.
Habang papalapit sa lugar ni Warren, sumigaw si Capistrano bilang babala kay Warren.
Dahil dito, nagawang makatakas ni Warren kasama ang isang suspek na si Dutch Boy Bello, 34.
Si Capistrano ay inaresto rin at sasampahan ng kasong obstruction of justice gayondin si Angelie Juab, 27, asawa ni Warren, na tumulong sa pagtakas kasama si Bello.
Nakuha kay Angelie ang 23 pirasong bala ng kalibre .45.
Matatandaan, sina Beltran at Salita ay tinambangan sa Brgy. Bagong Silangan nitong 30 Enero 2019 dakong 11:33 am, habang lulan ng puting Ford Everest may plakang NDO 612.
Nasugutan sa insidente ang isang 14 -anyos nang tamaan ng ligaw na bala. (ALMAR DANGUILAN)