SABI nga, ang unang umaray, tiyak na ‘nasaktan.’
Ganito rin kaya ang feeling ni re-electionist senator Cynthia Villar kung kaya’t bigla siyang nagpahayag ng kanyang ‘sentimyento’t palagay’ kung 14 senatorial bets na pro-Duterte ang ieendoso ng Hugpong ng Pagbabago (HNP)?
Sa mga hindi po nakaaalam, ang HNP po ay political coalition na pinamumunuan ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Nasa ilalim ng koalisyong HNP ang tatlong pambansang partido politikal na Nacionalista Party (NP), Nationalist People’s Coalition (NPC), at National Unity Party (NUP).
Bukod diyan, nakipagkasundo rin ang HNP sa mga lokal na partido politikal gaya ng Serbisyo sa Bayan Party (SBP) ng National Capital Region, Alyansa Bol-anon Alang sa Kausaban (ABAKA) ng Bohol, Aggrupation of Party for Progress (APP) ng Zambanga del Norte, Ilocano Timpuyog o Nacionalista Party – Ilocos Norte chapter, Kambilan ng Pampanga, at PaDayon Pilipino ng Misamis Oriental.
Ganyan po kalawak ang koalisyon ng HNP.
Kaya hindi nakapagtataka kung magpahayag man ang HNP na 14 senatorial bets ang nais nilang iendoso.
Oo nga naman.
Kailangan nga namang iendoso ang mga kandidato ng mga partido politikal na nasa ilalim ng kanilang koalisyon.
Pero ayaw ni Madam Senator Cynthia Villar nang ganyan.
Ang rason niya, malilito raw ang mga botante. Baka imbes 12 kandidatong senador lang ang i-shade ay gawing 14, mababalewala raw ang boto ng mamamayan.
May punto naman ang senadora, pero ‘yun ba talaga ang pangamba niya? O baka naman ninenerbiyos lang siya na kapag nag-endoso ang HNP e biglang maapektohan ang kanyang ratings sa surveys?!
Alam naman ninyo ang ‘magic’ sa masa ng mag-amang Sara at Digong Duterte, hindi kayang tawaran.
Baka kung sino pa ang ‘longshot’ e siya ‘yung biglang umarangkada sa masa.
Pero malayo namang mangyari kay Madam Cynthia Villar na tamaan nang ganyang ‘kamalasan.’
Sa kanilang mga empleyado lang mula sa napakarami nilang kompanya tiyak na hahamig na siya nang malaking boto.
Sa Wikipedia entry ng HNP, itinala ang senatorial bets na kanilang pagpipilian para iendoso. Sila ay sina Sonny Angara, LDP; Pia Cayetano, NP; Ronald “Bato” dela Rosa, PDP-Laban; Jinggoy Estrada, PMP; JV Ejercito, NPC; Christopher “Bong” Go, PDP Laban; Zajid Mangudadatu, PDP Laban; Jiggy Manicad, Independent; Imee Marcos, NP; Willie Ong, Lakas CMD; Koko Pimentel, PDP Laban; Juan Ponce Enrile, PMP; Bong Revilla, Lakas CMD; Harry Roque, PRP; Francis Tolentino, PDP Laban; at Cynthia Villar, NP.
‘Yan ay hindi 14 kundi 16 senatorial bets.
E paano ba ‘yan Madam Cynthia?
Pero sabi nga, it’s yet to be seen…
Abangan sa 9 de Febrero!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap