NAKALULUNGKOT man, dahil napaka-reactive ng ahensiya ng pamahalaan sa paglikha ng mga programang nakatuon sa kalusugan ng mamamayan ay gusto pa rin nating magpasalamat kahit paano lalo na kung malalagdaan na ng Pangulo ang Integrated National Cancer Control Program.
Sa kasalukuyan, cancer ang ikalawa sa may pinakamalaking bilang na dahilan ng pagkamatay ng mga Filipino. Una rito ang cardiovascular diseases.
Sabi nga, kapag tinamaan ng cancer mauubos ang lahat ng pundar. E paano kung pobre ‘yung tinamaan?!
Kaya ang batas daw na lalagdaan, ‘yan daw ang aalalay sa mga nagkakasakit ng kanser.
Sabi ng mga henyo sa kalusugan gaya ni Linus Pauling, “You can trace every sickness, every ailments, every disease, through a mineral deficiency.”
Kung susundan ng mga awtoridad sa kalusugan sa ating pamahalaan ang sinabing ito ni Pauling, dapat na ang ahensiyang nangangalaga sa kalusugan ng mamamayan ay dapat mag-isip kung paano magiging mahusay ang kalusugan ng mga Filipino.
Hindi gaya ngayon, na nagtatayo o lumilikha ng medical centers para sa mga maysakit — hindi para turuan ang mamamayan kung paano maging malusog.
Dahil sa ganitong sistemang umiiral, ang kaisipan tuloy ng mga Pinoy, pupunta lang sila sa doktor kung maysakit at sasailalim sa iba’t ibang uri ng laboratory test dahil kailangan na.
Hindi ba kayang gawin ng gobyerno na kahit walang nararamdamang masama sa kanyang katawan ay dapat sumailalim sa mandatory annual check-up upang masubaybayana ng kanilang kalusugan?!
Ang tanging nakagagawa niyan ay malalaking kompanya lamang, e paano ‘yung mga mamamayan na walang trabaho o mga babae nangangalaga ng kanilang tahanan?!
Hindi lamang mga maysakit ang dapat inaalagaan ang kalusugan dapat ganoon din ang bawat mamamayan kahit walang sakit. Nararapat lang na magkaroon ng karapatan ang bawat mamamayan na matiyak na alam nilang wala silang mabigat na karamdaman.
Dapat din maipamulat ng pamahalaan sa bawat mamamayan na ang pagmamantina ng mabuting kalusugan ay hindi sa pamamagitan ng mga gamot mula sa big pharmaceutical companies.
Maraming paraan na makatutulong para maging mabuti at maayos ang kalusugan ng bawat mamamayan gamit ang kabang yaman ng bayan. Hindi ‘yung lalabas lang ang pondo kapag maysakit at lupaypay na ang mamamayan — at parang pulubing namamalimos sa mga ahensiya ng pamahalaan.
Sana ang batas na lalagdaan ng Pangulo para sa Integrated National Cancer Control Program ay maging simula ng maayos na trato sa kalusugan ng bawat mamamayang Filipino.
Isa tayo sa umaasang darating ang panahon na ito.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap