DELIKADONG usapin ang ‘land conversion.’
Karamihan kasi sa mga nakikinabang sa land conversion ay malalaking kompanya ng mga real estate developer.
Sila ang mga namumunini noong panahon na mayroong mga tumatrabaho sa loob ng Department of Agrarian Reform (DAR) para maging mabilis ang land conversion.
Ang siste, ang mabilis na naiko-convert ay mga lupang gobyerno na ang mga tinatamaan ay maliliit na magsasaka.
Dahil walang pera ‘yung maliliit na magsasaka, ang lupang sinasaka nila ay hindi nagiging kanila kundi napupunta roon sa malalaking kompanya na mayroong panggastos para mai-convert ang lupa.
Kaya nga noong panahon ni dating DAR Secretary Rafael Mariano nagkaroon ng moratorium sa land conversion.
Pinaimbestigahan ni Ka Paeng ang lahat ng conversion kaya siguro isa ‘yun sa mga dahilan kung bakit hindi niya nakuha ang ‘kiliti’ ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA).
Ngayon naman, nagagalit si Pangulong Rodrigo Duterte at ipinasisibak ang DAR executives dahil halos dalawang taon daw nabinbin ang aplikasyon sa land conversion.
“‘Yung conversion, from one of agriculture to commercial ‘ata, took them two years to process,” sabi ng Pangulo nang magsalita siya sa annual assembly ng Provincial Union of Leaders Against Illegalities sa Lucena City.
Ang alam natin, diyan inis na inis si Pangulong Digong sa makupad na proseso ng mga taong gobyerno.
Kaya nga noong Mayo last year, pinirmahan ng Pangulo ang Republic Act 11032 (Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018).
Naniniwala si Pangulong Digong na ang nasabing batas ay magiging deterrent laban sa mga fixer at kawani ng pamahalaan na makupad o ginagawang ‘raket’ ang pagpoproseso ng mga dokumento lalo na ‘yung mga tamad lang talaga at hinahayaang natatambak ang mga dokumento na kailangn nilang iproseso.
“Kung hindi kayo mag-ano, kasuhan ko kayo. ‘Pag hindi pa kayo natakot sa kaso, patayin ko na lang kayo,” banta ng Pangulo. “Patiisin mo ako. Para mo akong ginagago kasi. You take me as a stupid idiot.”
Kaya ang pangako ngayon ng Pangulo pabibilisin niya ang land reform sa bansa upang lutasin ang communist insurgency.
Aba, kung diyan patungo ang land reform ng Pangulo tiyak na matutuwa talaga ang mga kababayan nating lumalahok sa digmang bayan ng New People’s Army (NPA) kasi makapamumuhay na sila nang payapa.
Kaya lang naman sila lumalahok sa armadong grupo dahil armado rin ang mga nangangamkam (land grabbers) ng mga lupang matagal na nilang sinasaka.
Isulong po ninyo ‘yan Mr. President at parusahan ang mga opisyal ng DAR na kasabwat ng land grabbers, tiyak na magiging payapa ang buhay ng mahihirap nating kababayan sa kanayunan.
Aabangan po namin ‘yan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap