NAGKAISA ang ABS-CBN News at Commission on Elections (COMELEC), kasama ang iba pang ahensiya ng gobyerno, mga paaralan, mga grupo, at institusyon, YouTube, at Twitter na lalo pang palakasin ang boses ng mga Filipino sa nalalapit na pambansang eleksiyon sa pamamagitan ng Halalan 2019 special election coverage sa radyo, TV, at digital.
Nagsagawa ng covenant signing ang mahigit 20 grupo sa ABS-CBN noong Biyernes (Enero 18) para pagtibayan ang kanilang pagtutulungan.
Ayon kay ABS-CBN News and Current Affairs head, Ging Reyes, malaking bagay ang makasama ang mga organisasyon mula sa iba-ibang sektor para maisagawa nila ang isang komprehensibong pagpapabalita na ang bawat Filipino ay maaaring makilahok sa mga diskusyon.
“Ang politika at debate ay maaaring maging mabuting bahagi ng isang lipunan kung kaya’t dapat lang na ating bantayan at protektahan ang bayan laban sa mga nilalang na balak guluhin o mandaya sa halalan, at maging matatag tayo sa pagsagupa sa anumang klase ng karahasan sa politika,” ani Reyes.
Sa isang mensahe na binasa ni COMELEC commissioner Socorro Inting, nagpasalamat din si COMELEC chairman Sheriff Abas sa ABS-CBN at binigyang diin ang kahalagahan ng media sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon at balita upang makagawa ng edukadong desisyon ang mga botante.
Dagdag ni Inting, sinisimbolo ng lagda niya ang paninindigan ng COMELEC sa pagkakaroon ng malinis at mapayapang halalan at ang pagsuporta ng komisyon sa mga proyektong makatutulong sa mga botante makapagpasaya ng tama ngayong eleksiyon.
Maliban sa COMELEC, YouTube, at Twitter, katuwang din ng ABS-CBN News sa Halalan 2019 ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Department of Foreign Affairs Overseas, Voting Secretariat, at Department of Education.
Gayundin ang Manila Bulletin, VERA Files, National Citizens’ Movement for Free Elections, YouthVote Philippines, Parish Pastoral Council for Responsible Voting, Kontra Daya, University of the Philippines, Ateneo de Manila University, De La Salle University, University of Santo Tomas, Polytechnic University of the Philippines, at STI Colleges.
Kumukompleto sa listahan ang The Asia Foundation – Fully Abled Nation, Regional Emergency Assistance Communications Team Philippines, Anvil Business Club, Management Association of the Philippines (MAP), Finance Executives of the Philippines (FINEX), LENTE (Legal Network for Truthful Elections), Philippine Communication Society, at Philippine Computer Society.