NANANAWAGAN si Senador Joel Villanueva sa pamahalaan at mga mambabatas na bigatan ang parusa sa mga gumagamit sa mga kabataan para gumawa ng isang krimen.
Ito ang isa sa nakikitang solusyon ni Villanueva sa dumaraming bilang ng mga kabataan na nasasangkot sa krimen.
Ayon sa Senador, imbes ibaba ang criminal liability sa 9 anyos tulad nang naipasa ng house mas makabubuti na bigatan ang parusa sa mga gumagamit sa mga bata sa mga ilegal na operasyon o pagpasok sa krimen.
Naniniwala si Villanueva na ang mga inosenteng kabataan ay biktima rin ng matatandang nagtuturo nang mali kapalit ng pananakot o malaking halaga.
Kasabay nito, nananawagan si Villanueva sa gobyerno na palakasin ang intelligence unit at gawin ang lahat ng kapasidad para mapababa ang krimen imbes parusahan ang mga kabataan.
Binigyang-diin ng senador, dapat rin i-improve ang mga rehabilitasyon para sa mga kabataan na naliligaw ng landas.
Dagdag ni Villanueva, ang pagdami ng bilang na nasasangkot ang mga kabataan sa kriminalidad ay pagpapatunay na bigo ang pamahalaan na bigyan ng proteksiyon ang mga kabataan kung kaya’t mali aniya ang pananaw ng ilan na parusahan ang mga batang wala pang kamalay-malay na nasasabit sa krimen. (CM)