LUMALABAS sa pagdinig ng Senate Justice Committee on Justice and Human Rights na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon na hindi naipatupad nang maayos ang Juvenile Justice Welfare Act dahil sa kakulangan ng pondo para maipatupad nang maayos.
Sa pagdinig sa senado, inamin ni Juvenile Justice and Welfare Council (JJWC) Executive Director Atty. Tricia Oco na may kakulangan sila sa bahay pag-asa para sa paglalagyan ng minor offenders.
Ipinaliwanag na Oco na tanging 55 bahay pag-asa pa lamang ang nag-ooperate sa buong bansa na dapat sana ay 140 yunit.
Sa naturang pagdinig, sinabi ni Oco na minsan ay may law enforcers na hindi nakauunawa na kapag murder ang kaso ng isang bata dapat ay idinedetine sa bahay pag-asa.
Lumabas din sa pagdinig na walang pondo na nakapaloob sa 2019 budget para sa bahay pag-asa.
Iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa pagdinig na kanyang isusulong sa Bicam para sa budget hearing ang paglalaan ng pondo para sa bahay pag-asa upang maipatupad nang maayos ang Juvenile Justice Welfare Act.
Aminado rin si Gordon na may problema sa pondo at sa implementasyon kaya pumalpak ang pagpapatupad ng batas. (CM)