NAGPAALALA si Senator Aquilino “Koko” Pimentel III sa mga Filipino sa kabuluhan ng “pagkilala sa ating pagkabansa at pagkakaroon ng malalimang pagmamahal sa bayan” kasabay ng paggigiit sa malaking ambag ng deklarasyon ng kauna-unahang malayang republika sa Asya sa Malolos, Bulacan sa pagdiriwang ng Philippine Republic Day bukas, 23 Enero.
“Madalas na nating makaligtaan ang yaman ng ating kasaysayan at ang halaga ng paggunita sa mahahalagang mga pangyayari sa ating kasaysayan. Ipinanalo natin ang isang mahirap na digmaan laban sa mga mananakop sa tarangkahan ng ika-20 siglo at nalikha ang kauna-unahang malayang estado ng Asya sa Bulacan.”
“Mahalagang maipagdiwang natin ang pangyayaring ito at maisapuso ang kabuluhan ng kalayaan, lalong-lalo sa mga kabataan,” ayon sa mambabatas mula sa Mindanao.
Noong nakaraang taon, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11014, na nagdeklara sa 23 Enero bilang special working holiday sa buong bansa.
Inaatasan ng nasabing batas ang National Historical Commission (NHC), sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd), na maglatag at magsakatuparan ng mga pagdiriwang kaugnay sa First Philippine Republic Day.
“Isinaboy natin ang mga unang binhi ng ating pagkabansa nang nilikha ang Malolos Republic noong 1899 sa paraan ng pagratipika sa Malolos Constitution. Kadalasan, ang ganitong mga pangyayari ay ibinabaon na lamang sa mga history book, lingid sa kabatiran ng ating mga estudyante at kababayan na nakabaling ang pansin sa impormasyong dala ng social media,” diin ni Pimentel.
Dahil dito, iminungkahi ng senador na kailangang “pag-isipan nang husto ng NHC at DepEd ang malikhaing mga gawaing kakapit sa interes at pakikilahok ng publiko, sa gitna ng kalitohang dala ng mababaw na libangang kaakibat ng Internet Age.”
“Ang mga aral ng First Philippine Republic ay may kaugnayan pa rin at makabuluhan hanggang ngayon. Kailangan nating ipagdiwang ang 23 Enero nang may taimtim na paggalang at lubusang pagkilala sa kabuluhan nito,” dagdag ni Pimentel.