WALANG hapo, walang pagal kundi ngiting gusto pang lumaban…
‘Yan ang mukhang nakita kay 8-division boxing champ Manny “Pacman” Pacquiao, matapos ideklarang nanal0 by unanimous decision sa kanyang laban kontra Adrien Broner.
Ang 4o-anyos na Pinoy boxing champ ay muling ipinagbunyi ng kanyang mga tagahanga matapos ang laban kontra 29-anyos Amerikanong boksingero na si Broner sa MGM Grand Garden Arena.
Tinatayang 10 milyong dolyares ang panalo ni Pacquiao sa labang ito bukod pa sa makukuha niya sa pay-per-view (PPV).
Kapag inuulan nga naman talaga ng suwerte…
Sabi nga sa Forbes magazine, mula sa barya-baryang piso sa mga unang laban niya sa boksing hanggang sa 20 HBO pay-per-view events, US$500 milyong kita sa product endorsements, malayong-malayo na ang narating ni Pacman.
Masisisi pa ba natin, kung kahit paulit-ulit na sinasabing mag-quit na siya sa boksing ay ayaw pa rin bumitiw ni Manny sa lona ng sapakan?!
Milyones ang halaga ng bawat suntok sa kanyang mukha, sa ulo, sa kilay, sa balikat…
Kumbaga, mabugbog man ang katawan, ginhawa’t karangyaan naman ang kapalit.
Dagdag pa ang kasabihang, kalabaw lang ang tumatanda, hindi si Manny Pacquiao!
Kahit itanong pa ninyo kay Mommy D.
Hindi man kasing dami ng mga nanonood noon at nasasabik sa bawat laban ni Pacman, masasabi nating maraming Pinoy pa rin ang nag-abang sa kanyang laban. ‘Yan ay kahit nasabay pa sa pista ng Sto. Niño.
Puno pa rin ang mga restaurant na nagpa-pay-per-view. Marami pa rin ang tumutok sa social media para abangan ang “blow-by-blow” na live streaming na laban nina Pacquiao at Broner.
Kaya kung ganyan ang sitwasyon, tama ang sabi ni Freddie Roach, “It’s a difficult sport to quit.
“It’s really, really hard to retire. I think he hasn’t realized that yet but he will soon,” pahayag ni Roach kahapon.
Pansamantala, subaybayan na lang natin kung kailan ang susunod na laban ni Manny Pacquiao…
Congratulations people’s champ!
SKY SPORTS
PAY-PER-VIEW
NG SKYCABLE
PALPAK!
MARAMING umangal sa serbisyo ng Sky Sports pay-per-view kahapon sa panonood ng Pacquiao-Broner fight.
Hindi mo hahamakin kung gaano karami ang nagbayad ng P949 sa pay-per-view ng Sky Sports. ‘Yan ay para first-hand nilang mapanood ang laban ni Manny Pacquiao.
Pero nabuwisit ang mga PPV viewers lalo sa Parañaque area dahil biglang naputol ang kanilang panonood.
Anyare Sky Sports?!
Palpak kayong masyado!
Kahit isauli pa ninyo ‘yung ibinayad ng viewers hindi na ninyo kayang ibalik ‘yung momentum na gusto sana nilang maranasan sa panonood sa PPV.
Kumbaga, nang-inis lang kayo dahil nabitin sila.
Kasi kung hindi ninyo kayang igarantiya na hindi masisira ang koneksiyon, huwag na kayong mag-alok. Magtitiyaga na lang ang viewers na sumubaybay sa social media o kaya hintayin ‘yung oras na ipapalabas sa local channel.
Uulitin lang po namin ang sabi ng mga nagbayad ng P949 para sa PPV ng Sky Sports —
PALPAK ang Sky Sports ng Sky Cable!
Boo!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap