NAGKASUNDO ang Senado at Kamara sa isyu ng isinusulong na pagbuwag sa Road Board.
Nakipagpulong sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri kay House Majority Leader Rolando Andaya, Jr., para sa mga hakbangin ukol sa paglusaw sa Road Board.
Ayon kay Zubiri, napagkasunduan na simple lang ang gagawing amyenda sa plano.
Aniya, ang Road Users’ Tax ay gagamitin sa pagpapagagawa at pagsasaayos ng mga kalsada, tulay at road drainages at isasama sa General Appropriations Act.
Paliwanag ni Zubiri, nangangahulugan ito na mabubusisi na sa Kongreso ang paggasta ng naturang buwis.
Aniya, ilalatag nila sa mga kapwa senador ngayong araw ang napag-usapan kagabi at inaasahan na mabilis na magkakaroon ng bicameral meeting ukol dito.
Noong Setyembre ipinasa sa Kamara ang panukalang pagbuwag ng Road Board at sang-ayon ang Senado ngunit kinalaunan ay kumambiyo ang mga congressman at binawi ang kanilang naging hakbang.
(CYNTHIA MARTIN)