SABI nga, nang magbuhos daw ng grasya ang mga diyos-diyosan sa kongreso ng pagkakakuwartahan, napuno ng biyaya ang pinamumunuang ahensiya ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar.
Napakapalad namang tunay!
Bago matapos ang taon, hindi naaprobahan ang 2019 national budget dahil nabusisi ni House majority floor leader Rolando Andaya, Jr., ang P75 bilyones na budget insertions sa napakapalad na ahensiyang DPWH.
Hanggang sa pagbubukas ng sesyon pagkatapos ng Pasko at Bagong Taon, 2019 national budget pa rin ang binubusisi ng mga mambabatas, lalo’t hindi makita ang rason kung bakit umabot sa P75 bilyones ang project insertions sa DPWH.
Sumambulat na ang Sorsogon flood control scam na kinasasangkutan pa ng Kamaganak Inc. — Diokno and extended family with so much extensions; ang ilang panahong ‘panunuba’ sa mga magsasaka sa Batangas dahil sa road right-of-way na nabusisi naman ni Senator Ping Lacson.
Ang Aremar Construction at CT Leoncio Construction na hanggang ngayon ay nakasalang pa sa hearing sa Senado.
Nagsasalimbayan na ang mga isyu at pangyayari pero lahat ‘yan pasok lahat sa budget ng DPWH.
Mukhang si Secretary Mark Villar na lang ang hindi nakaaalam na sandamakmak ang karaketan o sandamakmak ang nagkakapera sa DPWH?
Mantakin ninyo, mga magsasakang hindi nababayaran sa road right-of-way, putol na kalsada, tulay na bumagsak, dike na walang hinaharang na tubig, at mga kalsadang paulit-ulit na binabakbak, sinesemento at inaaspalto.
Baka naman si Secretary Mark Villar na lang ang hindi nakaaalam niyan?!
Sonabagan!
Halos tatlong taon na si Sec. Mark sa DPWH pero wala tayong nababalitaan na may resulta ang kanyang pagtatrabaho — o wala man lang siyang natutuklasang kaaliwaswasan?!
Bakit?!
Natutsubibo lang ba si Secretary Mark siyan sa DPWH?!
Helmeeeet, Secretary Villar!
Aba, kung ganyan ang kalagayan niya riyan, mas mabuti sigurong magtalaga na rin si Pangulong Digong ng military engineer na siyang mangangasiwa sa DPWH at sa mga pagawaing bayan na bilyon-bilyon ang pondo.
Nang sa gayon ay hindi naman ‘nagagahasa’ nang husto ang taxpayers na maya’t maya ay nagbabayad ng buwis pero hindi mahalata sa kalagayan nila sa bansa.
Secretary Mark Villar, kaya mo pa ba?!
Mukhang hilong-hilo ka na!
Ay sus!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap