AFTER 5 years na hindi gumawa ng teleserye ay muling bibida si Angel Locsin sa pinakamalaking proyekto ngayong 2019 ng ABS-CBN at Dreamscape Entertainment na “The General’s Daughter.”
At kahit na big star at pawang mga top-rater ang mga show na ginawa sa Dos ay aminado pa rin si Angel na may kaba siyang nararamdaman sa pagbabalik niya sa primetime block lalo’t matagal na panahon nga siyang hindi nasilayan sa nasabing timeslot.
“Oo, ‘di ako magpaplastik. Siyempre may fear but hindi anxious, hindi gano’n. I think healthy na kind ng fear na ‘pag wala ka noon, nakakatakot.
“Kailangan mo maramdaman ‘yun talaga at siguro ‘yung takot ko ngayon, higit kompara sa mga dati. Kinakabahan naman ako always, ito higit e, kasi it’s been five years (na walang soap), naninibago,” sey pa ng Kapamilya actress.
At dahil kilala si Angel na malakas ang loob at hindi ugaling magpa-double sa kanyang stunts ay asahan na mas matapang at mapangahas siya sa kanyang fight scenes dito sa The General’s Daughter na makikipagsabayan siya sa mga beterano at de-kalibreng aktor gaya nina Tirso Cruz 111, Albert Martinez, Maricel Soriano, Janice de Belen at Eula Valdez.
Sina Paulo Avelino at JC de Vera ang leading men ni Angel sa serye at bahagi rin ng programa sina Arjo Atayde, Ryza Cenon, at loveteam nina Loisa Andalio at Ronnie Alonte.
Nagpapasalamat pala si Angel sa ABS-CBN at Dreamscape sa magandang project na ito na ipinagkatiwala sa kanya.
“Nagpapasalamat ako sa ABS, kasi okay ‘yung projects na ibinibigay nila. And hopefully, sana maganda itong comeback na ito maganda naman na kahit five years ulit ako na hindi magtrabaho, okay lang.”
Well sa lakas ng feedback ng The General’s Daughter ay asahan na raratsada ito sa ratings at mapapapanood na sila simula sa susunod na Lunes, 21 Enero pagkatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano.
VONGGANG CHIKA!
ni Peter Ledesma