SINO ba ang district director ng Camanava – Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela? Sino nga ba? Matino at magaling daw ang nakaupo ngayon ha!?
Well, saan ba siya magaling at matino? Sa pangongolekta ba? Pangongolekta ng ano? Siyempre sa pangongolekta ng impormasyon laban sa mga kalaban o kumakalaban sa estado o sa bayan, tulad ng mga kriminal at iba pa.
Ibig sabihin, magaling sa intel gathering ang opisyal. Intel? Anong intel? Opo, magaling ang intelligence network ni Chief Supt. Rolando Anduyan.
Kunsabagay, kung hindi siya magaling, malamang sa kangkungan siya itatalaga. E dahil isa siyang matino at magaling na Heneral, hayun sa Northern Police District siya itinalaga bilang District Director. Opo, ipinagkatiwala kay Anduyan ang northern metropolis para sa police matters.
Kayo naman, nakarinig lang kayo ng salitang “intel” ay kung ano-ano na ang iniisip ninyo.
Ano pa man, simula nang maupo si Anduyan sa NPD ay walang humpay ang pagpapatupad ng opisyal sa kampanya ng PNP laban sa lahat ng klase ng kriminalidad sa bansa partikular na sa ilegal na droga. Hindi rin matatawaran ang magaganda’t malalaking accomplishment ni Anduyan sa droga maging sa syndicated criminals.
Kaya ang resulta, malaki ang ibinaba ng krimen sa nasasakupan ng NPD – ang Camanava.
Pero ano itong info na nakarating sa inyong lingkod, Sir Anduyan? Totoo bang talamak ang operasyon ng ilegal na sugal sa AOR mo? Siyempre ang sagot mo riyan DD ay hindi totoo. Hindi po ba?
Okey inirerespeto natin ang inyong kasagutan. Congrats kung magkaganoon man. Walang sugal sa Camanava. Ayos!
Ngunit, paki-check po ang info Ginoong Heneral… at baka pinaglololoko lang kayo ng mga nakapalibot sa inyo – sa pagsasabing malinis sa ilegal na sugal ang Camanava.
Sa sobrang abala ninyo sa pagpapatupad ng giyera laban sa droga at kriminalidad, sinamantala ito ng isang alyas JOJO o alyas BERNARDO. Hindi sa droga luminya ang mama kung hindi sa ilegal na sugal.
Siyempre, hindi makapagpalaro ang mama kung walang blessings mula sa ilang opisyal ng NPD o ng mga police station sa mga bayan at siyudad na nasa kontrol ng NPD.
Oo naman, alangan naman na basta-basta na lang magpapalaro si alyas JOJO o alyas BERNARDO nang walang ‘ika nga padrino.
Masasabing malakas ang padrino ng “player” dahil hindi lang isang bayan ang nilatagan kung hindi sa buong Camanava. Meaning, ang limang bayan/siyudad na nasa AOR ng NPD ang nalatagan.
Heto lang naman ang mga laro na inilatag, “137” o mas kilala sa tawag na “jueteng,” bookies ng EZ 2 at lotteng. Aba’y pakyawan ang labanan ha. Ang susuwerte naman ng mga padrino. Tiba-tiba sila.
Mantakin ninyo, ang operasyon ay sa buong Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela… at lahat nang laro. Wow!
Heneral Anduyan, naniniwala naman tayo na hindi ka nakikinabang sa kalokohang ito. Pero kinakailangan kayong kumilos Sir at baka, gamit na gamit kayo rito. Oo nga pala, maging ang operasyon ng VK ni RR ay talamak din sa Camanava… maging si alyas Brigette na VK operator din sa Antipolo City.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan