INILINAW ni Senador Panfilo Lacson na kailangan pa rin dumaan sa dalawang kapulungan ng kongreso ang plano ng Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang pondo sa road users’ tax para sa infrastructure at flood control projects sa lalawigan ng Bicol na hinagupit ng bagyong Usman.
Ayon kay Lacson, tulad ng proseso, dapat itong idaan sa Senado at Kamara para aprobahan at saka lalagdaan ng pangulo.
Sang-ayon si Lacson sa planong ito ng Pangulo at suportado rin ang pahayag ni House Majority Leader Rolando Andaya, Jr., na isama ito sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para madaling masubaybayan at hindi magamit sa katiwalian. Sa panig ni Senador Joseph Victor Ejercito, suportado niya ang mungkahi ng pangulo na gamitin ang pondo ng road users’ tax para sa mga nasalanta ng bagyong Usman sa lalawigan ng Bicol.
Ngunit iginiit ni Ejercito na hindi ang buong pondo ng road users’ tax ang ilaan para dito.
Aniya, dapat magtira pa rin ng pondo para sa road safety program dahil mahalaga ang kaligtasan ng mga motorista at ng mga pedestrian sa lansangan.
(CYNTHIA MARTIN)