APAT na babae kabilang ang kapangalan ng sikat na artista na si Jean Carcia at kanya umanong anak na babae ang naaresto ng mga pulis habang nagtatransaksiyon ng ilegal na droga sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan Police Community Precinct (PCP) 7 head S/Insp. Geraldson Rivera ang mga naarestong suspek na sina Jean Garcia, 56-anyos; at anak na si Kathryn Garcia, 36; Jenny Homboy, 43; at Genevieve Lig-Ang, 26, pawang residente sa Magsaysay St.. Del Rey, Sta. Quiteria sa Brgy. 163.
Sa ulat, dakong 5:30 ng hapon nang respondehan ng mga tauhan ng PCP-7 upang alamin ang reklamo mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap umanong illegal drug trade sa kahabaan ng Magsaysay St., sa nasabing lugar.
Pagdating sa naturang lugar, nakita ng mga pulis ang mga suspek na nagtatransaksiyon umano ng ilegal na droga na naging dahilan upang arestohin sila.
Narekober sa mga suspek ang apat na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, disposable lighter, timbangan at isang cellphone.
Kasong paglabag sa RA 9165 ang isinampa ng pulisya kontra sa mga suspek sa piskalya ng Caloocan City.
(ROMMEL SALES)