MALUBHA ang kalagayan sa pagamutan ng isang lalaking hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos barilin ng isang hindi kilalang suspek sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Ginagamot sa Tondo Medical Center ( TMC) ang biktimang si Manuel Garcia Jr., alyas Jerman, 38-anyos, ng Market 3, Navotas Fish Port Complex (NFPC), Brgy. North Bay Boulevard North (NBBN) sanhi ng tama ng bala sa puwet.
Sa ulat ni SPO2 Ernesto Ravanera Jr., may hawak ng kaso, dakong 3:40 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa gilid ng Flying V, Palengke St. NFPC, Brgy. NBBN.
Naglalakad si Gacia sa naturang lugar nang mula sa kanyang likuran ay sumulpot ang suspek at walang sabi-sabing pinaputukan bago mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksiyon nang mapansin ang pagdating ng nagrerespondeng mga pulis.
Mabilis na isinugod nina PO3 Jacinto Gammad Jr. at PO2 Enrique Vergara ang biktima sa naturang pagamutan.
Nakuha sa biktima ang 10 plastic sachet na naglalaman ng hindi pa matukoy na halaga ng hinihinalang shabu at P2,269 cash.
Tinitingnan ng pulisya na may kinalaman sa ilegal na droga at personal na alitan ang insidente habang patuloy ang follow-up investigation sa posibleng pagkakakilanlan at ikaaaresto ng suspek.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 si Garcia sa piskalya ng Navotas City.
(ROMMEL SALES)