MAULAN na ipinagdiwang ang Pasko at Bagong Taon sa ating bansa.
Ayon sa matandang kasabihan, senyales raw ng kasaganaan ang ulan. Kaya marami ang naniniwala na ang 2019 ay masaganang taon.
Bukod sa maulan, papasok rin ang Year of the Earth Pig sa 5 Pebrero 2019. Simbolo umano ang Pig ng tubig at kasaganaan.
Isang magandang senyales nga naman ito.
Pero alam naman natin na hindi lang sa mga palatandaan o kasabihan papasok ang suwerte at kasaganaan sa buhay.
Ang internal na salik pa rin ang magpapasya kung paano natin gagawing matagumpay ang ating 2019.
Pero malungkot din, dahil marami tayong mga kababayan na sinalanta ng bagyong Usman — sa Bicol at sa Oriental Mindoro.
Maraming pagsabog ang naganap hindi lang sa ating bansa kundi maging sa ibang bansa. Ilang aksidente rin ang naganap sa ibang panig ng daigdig.
Pero bago pa tayo malungkot sa mga nasabing pangyayari, gusto muna nating magpasalamat sa inyong lahat na patuloy na tumatangkilik sa ating kolum na Bulabugin at sa aming pahayagan na HATAW! D’yaryo ng Bayan.
Hangad namin na patuloy kayong paglingkuran kahit sa pinakamaliit na bagay na aming maitutulong. Alam nating mabilis na ang balita ngayon dahil sa social media gayonman nanatili kami sa aming layunin na hatiran kayo ng mas detalyadong balita.
Sama-sama nating harapin ang 2019 na may positibong pananaw na kaya nating gapiin at solusyonan ang mga kakaharaping pagsubok.
Hindi lang bilang indibiduwal kundi bilang nagkakaisang mamamayan ng ating bansa. Ngayon pa lang ay marami na ang nangangamba sa bantang dagdag na buwis na papasanin natin ngayong 2019.
Nawa’y maging matatag tayo sa pagharap sa mga pagsubok sa taong ito.
Muli, isang masagana at mapayapang bagong taon sa inyong lahat…
Salamat po.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap