NAG-AALALA si Sen. Bam Aquino na mali ang simula ng pamahalaan sa 2019 sa pagpayag nitong dagdagan ang buwis sa produktong petrolyo sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, sa pagsasabing bibigat pa ang pasanin ng taongbayan sa mataas na presyo ng bilihin.
“Ang pinakamainam na New Year’s resolution para sa bayan ay bawasan ang pahirap sa mamamayan,” wika ni Sen. Bam, isa sa apat na senador na kumontra sa ratipikasyon ng TRAIN Law.
“Nalulunod pa nga sa mataas na presyo ng bilihin ang ating mga kababayan, may dagdag buwis pa ulit. Tulungan sana natin ang mahihirap nating kababayan,” dagdag ni Sen. Bam, na kamakailan ay nanawagan din sa 100 porsiyentong pagpapatupad ng batas sa libreng kolehiyo.
Nais sana ni Sen. Bam na ipagpaliban muna ng gobyerno ang pagpapatupad ng ikalawang bahagi ng excise tax sa produktong petrolyo hanggang maging normal ang inflation rate at bumaba ang presyo ng pagkain at iba pang produkto.
Batay sa ikalawang bahagi ng excise tax, papatawan ng dagdag na dalawang pisong buwis ang gasolina at diesel habang piso naman ang gaas at LPG sa 2019.
Isinusulong ni Sen. Bam ang rollback ng buwis sa langis sa ilalim ng Bawas Presyo sa Petrolyo Bill na kanyang isinumite noon pang Mayo 2018.
Layon ng panukala na ayusin ang TRAIN Law sa pamamagitan ng suspension at rollback ng excise tax sa langis kapag lumampas ang inflation rate sa target ng pamahalaan nang tatlong sunod na buwan. (CYNTHIA MARTIN)