“S INGLE ako, I’m happy… career lang, career lang muna,” ang sagot sa amin ni Ervic Vijandre nang kumustahin namin ang kanyang lovelife.
Hindi ba mahirap sa tulad niyang guwapo, bata, artista ang walang girlfriend o inspirasyon?
“Well inspiration naman nandiyan ‘yung family ko, ‘yung mga pamangkin ko, ‘yun ‘yung nagpapasaya sa akin. Sa ngayon gusto ko lang munang maging ano, stable na bachelor, career muna.”
Nakausap namin si Ervic sa presscon ng Cain at Abel. Gaganap si Ervic sa GMA Primetime series bilang si Alex na isang Senior Police Officer.
Tampok sa serye ang Kapuso royalties, na sina Primetime King Dingdong Dantes as Daniel at Drama King Dennis Trillo as Miguel/Elias.
Leading ladies dito sina Solenn Heussaff as Abigail at Sanya Lopez as Margaret. Kasama rin sina Eddie Gutierrez as Antonio; Chanda Romero as Belen; at Dina Bonnevie as Precy, Ronnie Henares as Gener, Tommy Abuel as William, Bing Pimentel as Linda, Renz Fernandez as Louie, Marc Abaya as Ramon, Carlo Gonzales as Ronald, Boy 2 Quizonas Juancho, Pauline Mendoza as Pat, Vince Vandorpe as Rafael, Shyr Valdez as Tina, Leandro Baldemor as Darius, at Euwenn Aleta as Sammy.
Sino ang mas madalas kaeksena ni Ervic, si Dingdong o si Dennis?
“Noong unang taping days si Dennis ang kaeksena ko, pero lately puro kami ni Dong.”
Pang-ilang show na nila ni Dong na magkasama?
“Well dati nag-guest ako sa ‘Genesis,’ matagal, eto ‘yung first time ko na makakatrabaho siya na talagang regular ako.”
Kumusta katrabaho si Dingdong?
“Sobrang okay naman, sobrang professional, sobrang bait na tao.”
Ano ang isa sa pinakahinahangaan niya kay Dingdong bilang artista?
“Well siyempre bata pa lang ako napapanood ko na siya, ‘di ba,” at tumawa si Ervic.
“Kasi siyempre ‘di ba rati pa lang napapanood ko na ‘yung mga ‘TGIS,’ Iñaki, ‘di ba?”
Sumikat noon ang youth-oriented show na TGIS na sumikat si Dingdong bilang si Iñaki.
“So ngayon ‘pag nakakasama ko siya parang hindi pa rin…parang hindi mo pa rin alam kung…artista na rin pala ako kasi katrabaho ko na ‘yung mga… nakakatrabaho ko na ngayon ‘yung mga napapanood ko lang sa TV, alam mo ‘yung ganoon?
“Nandoon pa rin ako sa parang nai-starstruck pa rin ako na parang artista na talaga ‘yung mga kasama ko, alam mo ‘yun, nakakakuwentuhan ko.”
Nagkakachikahan sila ni Dingdong sa set?
“Oo.”
Napag-uusapan ba nila ang politika? Pareho silang nagplanong tumakbo sa May 2019 (si Ervic bilang konsehal sana ng San Juan at si Dingdong bilang Senador) pero pareho silang hindi tumuloy.
”May kaunti, oo.”
Paano ang naging takbo ng chikahan nila?
“Wala naman, parang napansin niya…kasi kaibigan niya rin si Francis Zamora [tatakbong mayor ng San Juan], sabi niya, ‘O bro, nakita kita roon sa posts ni Francis’, sabi ko, ‘oo, kaibigan mo rin?’, ‘Oo.’
“Parang tinulungan niya rin before, so ‘yun nakapag-share lang kami ng…’yun nga, ‘yung mga plano dapat na hindi natuloy.
“Actually hindi naman sa pagtakbo ‘yung mas napag-usapan namin, mas napag-usapan namin ‘yung kinuwentuhan ko sila ni Boy2 ng ano eh, Survivor experience ko, noong sumali ako.”
Bakit?
“Sabi nila sobrang challenging ‘yun at saka exciting nga, so nakuwento ko lang ‘yung naging experience ko sa island.”
Noong 2010 ay sumali si Ervic sa Survivor Philippines: Celebrity Showdown na naging runner-up siya.
Solong mina-manage ng GMA Artist Center ang career ni Ervic.
At bukod sa pag-aartista, may business ang Kapuso hunk, ang Tipsy Pig sa BGC sa Taguig City.
“Mag-o-open kami ng isa pang branch dito sa Quezon City, sa December.”
ni ROMMEL GONZALES