PATAY ang 24-anyos babae nang pumalag habang pinagsasamantalahan ng kanilang boarder na construction worker sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Sa report sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), dakong 7:30 am nang matagpuan ang duguang bangkay ng biktima na kinilalang si Joniecar dela Cruz Letran, sa loob ng kanyang silid sa A-18 Cadena de Amor St., Pingkian-3, Zone 1, Brgy. Pasong Tamo ng nabanggit na lungsod.
Hawak na ng mga awtoridad ang suspek na si Rommel Baraga Fermento, 32, construction worker, tubong Suarez, Iligan City, at pansamantalang nangungupahan sa bahay ng biktima.
Sa pagsisiyasat ni PO1 Armeo Pascual, ng Talipapa Police Station 3, nangungupahan ang suspek sa bahay ng biktima dahil malapit lamang doon ang pinapasukang construction site.
Bago natagpuan ang bangkay ng biktima, huli siyang nakita sa birthday ng kapitbahay na nakikipag-inoman, kasama ang suspek.
Dakong 11:00 pm, umuwi ang biktima para matulog ngunit kinaumagahan ay pinuntahan ng kanyang tatay sa kanyang silid upang utusan na magsaing.
Halos ilang minuto nang kumakatok ang tatay ng biktima at dahil walang nagbubukas ay puwersahan niyang binuksan at doon ay bumungad sa kanya ang duguang nakabulagtang anak.
Ayon sa imbestigador, may malalim na sugat sa ulo ang biktima at posibleng pinagsamantalahan dahil baligtad na ang suot na underwear nang matagpuan.
Sa pulisya, inamin ng suspek na pinagsamantalahan niya ang biktima at dahil sa kapapalag ay ilang ulit niyang iniuntog ang ulo sa semento dahilan nang agarang pagkamatay ni Joniecar. (ALMAR DANGUILAN)