TIYAK iyon, kahit na isang taon pa bago maharap ni Miss Universe Catriona Gray ang showbusiness kung sakali, marami na ang mag-aabang at kukumbinsi sa kanya na pasukin ang industriya. Palagay namin kung papasukin niya ang pagiging artista, puwede dahil napakalakas ng kanyang following. Sa nakita naming ginawang pagsubaybay sa kanya ng mga tao kahit na sa social media bago pa man siya nanalo, at lalo na noong matapos manalo, parang mas malakas ang dating niya kaysa naging Miss Universe ring si Pia Wurtzbach.
Isa pa, nag-aral pala ng theater arts si Catriona, bukod sa kanyang pag-aaral din ng music, kaya nga bukod sa nakakakanta, nagko-compose pa rin siya ng mga awitin.
Isa pa, lahat ng mga Pinay na naging Miss Universe ay naging artista rin. Si Gloria Diaz ay nakagawa ng isang napakalaking hit sa una niyang pelikula, iyong Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa, na kung ilang buwang ipinalabas sa mga sinehan noon. Ang pelikulang iyon ang nagsimula rin noong nausong “wet look”.
Naging leading lady ni Victor Laurel ang Miss Universe na si Margie Moran, at title role siya rion sa Oh Margie Oh, na naging hit din naman.
Iyong si Pia, rati nang artista iyan eh at nakasama sa hit movie ni Vice Ganda.
Iyang si Catriona, palagay namin puwedeng isabak iyan sa isang love story. Kung iyan ay maitatambal lamang sa isang kagaya ni Daniel Padilla, palagay namin tatabo rin iyan sa takilya.
Iyong boyfriend ni Catriona, si Clint Bondad ay nag-aartista rin, pero baka hindi madala ang pelikula kung silang dalawa ang bida. Kailangan itambal muna si Catriona sa isang established actor, at sino pa nga ba ang malakas na siguradong hit kundi si Daniel.
HATAWAN!
ni Ed de Leon