AABOT sa 30 kilo ng baboy na umano’y “mishandled frozen meat” ang nakompiska sa isang palengke sa Novaliches, Quezon City, kahapon ng madaling-araw.
Dakong 3:30 am nang salakayin ng mga opisyal at tauhan ng Quezon City Veterinary Department ang pamilihang bayan sa Novaliches na nagresulta sa pagkakakompiska ng mga karne.
Ayon kay Veterinary Department head Ana Marie Cabel, mapanganib sa kalusugan ang pagkain ng mga karne na hindi inilagay agad sa freezer at chiller at ipinagbibili lamang sa mga stall sa labas ng palengke.
Paliwanag ni Cabel, kapag tinanggal ang karne sa chiller ay nagiging kontaminado ito.
Aniya, dapat tiyaking nakalagay sa chiller o freezer ang karne at mapanatili ang temperatura upang maiwasan ang mabilis na pagkasira ng karne.
Babala niya, ang mga mishandled meat ay maaaring magresulta sa diarrhea at pagkalason ng mga taong kakain nito.
Nauna rito, pinaigting ng mga awtoridad ang inspeksiyon sa mga karne na ipinagbibili sa mga palengke sa Quezon City, isang linggo bago sumapit ang Pasko.
Ilan sa mga palengke na tinungo nila ang Balintawak Market, Star Market at C.I. Market sa Novaliches upang tiyakin kung may meat inspection certificate ang mga tindero ng karne.
Pinayohan din ng mga awtoridad ang publiko na maging metikuloso sa pagbili ng karne.
Giit ng veterinary official, kung bibili ng karne dapat na palaging hanapin ang meat inspection certificate na magpapatunay na ang karne na binibili nila ay galing sa malinis na katayan at nains-peksiyon. (ALMAR DANGUILAN)