NAGBUBUNYI ang sambayanang Filipino ngayon, sa kabila ng mga nakagagalit na isyu gaya ng P75-B budget insertion na ibinuking sa Kongreso.
‘Yan ay dahil sa tagumpay ni Miss Philippines Catriona Gray na itinanghal na 2018 Miss Universe.
Unanimous ang panalo ni Cat dahil wala tayong narinig na kontrobersiya o pagtutol.
Tunay namang beauty and brainy si Catriona at hindi ito matatawaran sa kompiyansang ipinakita niya sa madla.
Si Catriona ay ika-apat na Filipino na itinanghal na Miss Universe sa Thailand nitong Lunes.
Unang Pinay Miss Universe si Gloria Diaz noong 1969. Ikalawa si Maria Margarita Roxas Moran Floirendo noong 1973, pangtalo si Pia Wurtzbach noong 2015, at ikaapat si Catriona Gray ngayong 2018.
Kaya kahapon, kahit mayroong matinding hostage-taking na nagaganap sa Sta. Mesa, Maynila, hindi ito naging malaking isyu dahil sa panalo ni Miss Philippines Cat Gray.
Alam natin na hindi lang ito ngayon o bukas o sa susunod na buwan pag-uusapan. Kuwento ito na mananahan sa isip ng maraming Filipino hangga’t walang bagong Miss Universe mula sa ating bansa.
At sabi nga natin, ang panalo ni Cat Gray ay tila keso at hamon sa hapag ng bawat Filipino ngayong ilang araw na lang ay Pasko na.
Tiyak na maraming sanggol na babae ang ipapangalan sa kaniya ng kanilang mga magulang.
Kung babalikan naman talaga ang mga paghahandang ginawa ni Cat, masasabi nating inihanda niya talaga ang kanyang sarili sa nasabing kaganapan.
Humanga tayo kung paano nakilahok si Cat sa pagdidisenyo ng kanyang mga damit at accessories na ang konsepto ay nakatuon sa kanyang pagka-Filipino at sa kanyang pagiging Bicolana.
Kaya kahit sinasabi ng iba na half-breed siya, ang kanyang puso at isip ay isang tunay na Filipino.
At higit sigurong nagpakita ng talino ang Daragang Magayon nang sagutin niya ang isyu ng legalisasyon sa paggamit ng marijuana.
“I am for it being used in a medical use, but not so for recreational use because I think if people were to argue, what about alcohol and cigarettes? Everything is good but in moderation,” kompiyansang tugon ni Catriona.
At gaya ng iba pang Filipino na naging Miss Universe, paborito rin si Cat maging ng host country — ang Thailand — na halos kapantay ng kanilang kinatawan.
Ngayong nalalapit na ang pagdiriwang sa pagsilang ng “Dakilang Sanggol” sa sabsaban, namnamin natin ang tagumpay ng lahing Filipino sa pagwawagi ni Catriona Gray, ang 2018 Miss Universe.
Congratulations Cat!
SEGURIDAD
SA MAYNILA
BULAGSAK NA
BULAGSAK
KAHAPON, kahit mayroong matinding hostage-taking na nagaganap sa Sta. Mesa, Maynila, hindi ito naging malaking isyu dahil halos lahat ay nakatuon sa telebisyon at nanonood ng Miss Universe.
Isang lalaking bangag na hindi raw nakasakay sa tren ng PNR ang nagwala at inagaw ang baril ng security guard, namaril at hinablot ang isang Badjao na 5-anyos batang lalaki.
Bago niya hablutin ang batang lalaki, namaril nang namaril ang amok at nakasugat ng anim katao.
Umabot daw nang halos isang oras ang negosasyon bago pinakawalan ng amok ang bata.
Mabilis naman daw nagresponde ang mga pulis pero ang ibig sabihin nang mabilis ay ‘yung may anim na taong sugatan na.
Pero ang napupuna lang natin, bakit tila hindi mahigpit ang seguridad sa ilang bahagi ng Maynila. Mayroong mga sitwasyon na maaaring pagsimulan o gamitin para maghasik ng kaguluhan.
Alam kaya ng pulisya, na nakasasagabal sa trapiko ang camp-out ng ilang militante sa Mendiola at sa Liwasang Bonifacio?!
Bukod sa traffic obstruction, nagiging marumi rin ang kapaligiran sa lugar kung nasaan ang camp-out dahil wala naman silang palikuran, liguan at lutuan.
Delikado rin na magkaroon ng breakout ng diarrhea lalo na kung hindi malinis ang paghahanda ng pagkain dahil sa kakapusan ng tubig.
Malamok at mayroong iba’t ibang insekto sa lugar dahil ang kanilang basura ay hindi naitatapon sa tamang basurahan.
Kapag naglalaba sila, ang mga damit nila ay doon din isinasampay sa ilalim ng LRT sa Mendiola at sa paligid ng kanilang lona sa Liwasang Bonifacio.
Tsk tsk tsk…
Hindi ba’t malalang kapabayaan ‘yan sa seguridad ng publiko at ganoon din sa mga militanteng kalahok sa camp-out?
Hindi rin naman nila ipinapaliwanag sa publiko kung bakit sila nagka-camp-out?! Gaya ba sila ng ibang indigenous people na namamasko sa lansangan tuwing Pasko?!
Nalulungkot tayo na hindi na nagiging obhetibo ang pagsusulong ng mass struggle ng mga militante. Palagay natin, dapat na silang bumalik sa kanilang mga teritoryo at doon maglunsad ng mga pag-aaral para patatagin ang kanilang kaalaman sa pagsusulong ng kanilang mga layunin at adhikain.
Matatawag na ‘unnecessary sacrifices’ ang ginagawa nilang camp-out na wala namang malinaw na layunin.
Panahon na siguro para kumilos ang mga awtoridad ng Maynila para linisin ang mga lugar na kanilang pagkakampohan.
Linisin sa maayos na paraan at kung kinakailangan bigyan ng ayuda para magsiuwi na sila sa malayong probinsiyang kanilang pinagmulan.
Isang makabuluhang Pasko ‘yan kung magagawa ng mga kinauukulan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap