KUNG tutuusin text-away lang ang pagitan ng komunikasyon namin ni veteran photojournalist Jun David.
Pero mas madalas na ginagamit niya ito kapag may good news siya. Hindi niya ito ginagamit kung maliliit na problema o kahit malaki pa, pero kaya naman niyang resolbahin.
Sa totoo lang, noong naratay ang kanyang misis na si Gigi David sa karamdaman, ni hindi kami nakarinig ng daing mula kay Jun.
Kuwento, oo.
Ikinuwento niya, para kahit paano ay gumaan ang kanyang kalooban.
Nagbabato sa amin si Jun ng mga kuha niya at istorya sa CAMANAVA local government units (LGUs), bilang moonlighting. Alam naman ninyo sa industriyang ito, ‘masikip’ na ang panahon ngayon kaya kailangan mag-double effort upang kumita nang maayos. Ganyan po si Jun.
Tumutulong din siya para sa pagkuha ng local ads mula sa LGUs na ilalathala sa aming pahayagan. Bilang tulong sa diyaryo at tulong din sa kanya.
Alam ni Jun kung ano lang ang puwede niyang ibatong retrato at istorya sa amin dahil mayroon na kaming correspondent at photog sa CAMANAVA.
Kaya nga isa kami sa mga binalitaan niya agad nang may mag-offer sa kanya para maging close-in photographer ni Senate President Vicente “Tito Sen” Sotto.
Tuwang-tuwa siya noon at natutuwa rin kami para sa kanya.
Ibig sabihin kasi no’n, magkakaroon siya ng regular na trabaho at suweldo na makatutulong nang malaki sa pangangailangan nila para sa pagpapagamot ng kanyang asawa.
Sabi nga ng anak ni Jun, sa panahon na kailangan ng kalinga ng kanilang nanay, kailangan namang umalis nang maaga ni Jun mula sa Bulacan para pumasok sa Senado.
Sa panahon ng kanyang pagtatrabaho, ni hindi nakatanggap ng kahit anong puna o babala si Jun kung mayroon siyang nagagawang salto.
Ibig sabihin maayos ang kanyang trabaho kay Tit0 Sen.
Kaya nang sapilitan siyang pinagbitiw sa tanggapan ni SP Tito Sen, ay talaga namang na-Eat Bulaga si Jun.
Hindi natin narinig sa kanya ang buong kuwento. Nalaman natin ito sa isang bukas na liham ng kanyang anak na ini-post sa social media.
Naramdaman natin ang hindi maipaliwanag na kurot sa puso ng kanilang pamilya. Nagluluksa at nagdadalamhati pa ang buong pamilya nang biglang mangyari ang forced resignation sa tanggapan ni Tito Sen ng kanilang padre de familia.
Ang hindi nga maintindihan ni Jun bakit siya sapilitang pinag-resign gayong wala naman siyang natatandaan na isinalto niya ang kanyang trabaho.
Wala siyang natatanggap na memo o babala na hindi nasisiyahan si Tito Sen o ang tanggapan nila sa kanyang trabaho.
At kaya siya napunta sa opisina ni Tito Sen ay tinawagan siya para palitan ang yumaong close-in photographer.
Tapos ngayon ay bigla siyang pinag-resign nang hindi dumaan sa due process?!
Pinag-resign siya nang hindi niya alam kung ano ang dahilan gayong ang kanyang appointment ay co-terminus.
Walang anomang babala, bigla na lang siyang na-Eat Bulaga!
Hindi man lang pinalipas ang kanyang pagdadalamhati dahil sa pagpanaw ng kanyang asawang si Gigi nitong 10 Oktubre 2018.
Bukod diyan, ilang araw na lang ay Pasko na.
Hindi man lang ba ito ikinonsidera ng kung sino mang nagplano para sapilitang magbitiw si Jun?!
Akala natin sa pelikula lang may ‘Grinch.’ Mayroon din pala sa Senado at sa Eat Bulaga.
May alam kaya si Tito Sen kung ano ang nangyayari sa kanyang tanggapan?
Kung hindi, gusto ulit natin itanong, si Tito Sen pa ba ang bossing sa kanyang office sa Senado!?
Alam din kaya niya na marami nang nabibiktima ang isa sa mga nagpapakilalang ‘trusted person’ niya?!
‘Yung ‘trusted person’ na madalas ay ‘walang ginagawa’ kundi ‘sirain’ ang imahen ng kanyang amo dahil sa panggigipit sa kapwa?
Unsolicited advice lang po, Tito Sen, ang nag-a-appreciate lang ang value kapag tumatagal ay ginto. Pero kung may ‘anay’ nang nakapasok diyan sa tanggapan ninyo, baka isang araw, magising kayong bukbok na lang kayo…
Ilang kaso na raw po ang nangyari sa inyong tanggapan na may ‘marka’ ng kung sinong ‘buruka’
Beware!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap