MAHIGPIT ang bilin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga sundalo at pulis na huwag kumiling sinoman sa mga kandidato para sa eleksiyon sa 2019.
Sinabi ito ng pangulo sa kaniyang pagdalo sa pamamahagi ng inisyal na 500 housing units para sa mga sundalo at pulis sa San Miguel, Bulacan kahapon.
Ayon sa pangulo, iniendoso man niyang kandidato o hindi, hindi dapat mangampanya ang sinomang pulis o sundalo para sa mga tatakbo sa eleksiyon.
Binalaan din ng pangulo ang mga sundalo at pulis kasama na ang mga kandidato at kanilang kampo, na huwag na huwag manakot ng mga botante.
Kapag may nabalitaan aniya siyang gumawa nito, siya mismo ang makikipagtuos sa mga pulis, sundalo o kandidatong nanakot sa mga botante, at siya ang mismong aaresto sa kanila.
Ayon sa pangulo, dapat hayaan ang mga botante na pumili kung sino ang gusto nilang iboto.
Samantala, iniutos ng Pangulo sa AFP at PNP na hanggang dalawang security escort lamang ang puwedeng mag-tandem at puwedeng umeskort sa sinomang kandidatong nangangailangan nito.
Kapag sumobra aniya sa dalawa ang security, puwede nang arestohin at kompiskahan ng mga armas dahil ipinagbabawal ito ng batas, sapagkat lalabas na itong private armed group na.
Para sa mga kandidato na nangangamba sa kanilang buhay kaya maraming mga security escort, huwag na lamang aniya silang tumakbo kung takot silang mamatay. Giit ng pangulo, hindi uubra na magkaroon ng sangkaterbang security escort dahil maituturing itong private armed group, na malinaw na paglabag sa batas.
(ROSE NOVENARIO)