IPINAGDIWANG ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) ang ikatlong anibersaryo sa pamamagitan ng isang outreach program sa Anawim Home For the Abandoned Elderly sa San Isidro, Rodriguez, Rizal kamakailan.
Ang Anawim ay isang institusyon na suportado ng kilalang Catholic lay preacher at minister na si Bro. Bo Sanchez.
Isa sa mga matagal nang nakatira sa Anawim ay ang dating entertainment editor at scriptwriter na si Iskho Lopez na tuwang-tuwang makita ang mga kaibigan sa SPEEd.
Nagpasalamat si Iskho sa mga maagang Pamasko na natatanggap nila mula sa mga tao at grupo na patuloy na nagbabahagi sa kanila ng tulong.
Bukod sa simpleng entertainment program, namahagi rin ng pagkain, gamot, at iba pang mga gamit ang grupo ng mga editor sa mga taga-Anawim.
Naghandog naman ng ilang kanta at sayaw ang mga lolo at lola bago matapos ang programa.
Ilan sa mga tumulong para maisakatuparan ang ikatatlong outreach program ng SPEEd ay ang Unilab, sa pangunguna ni Claire de Leon Papa, Healthy Family ng Manila Water, Wilson Flores ng Kamuning Bakery, Perci Intalan ng IdeaFirst Company.
Nakiisa rin sa outreach program ng SPEEd sina Aileen Go ng Megasoft, Reí Tan ng Beautederm, at PR/publicist na si Chuck Gomez.